Katutubong Talino, Talinong Filipino (tulang Pansabayang Bigkas na naka-angkla sa opisyal na tema ng Buwan ng Wika 2022: “Filipino at Mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha”)

“Katutubong Talino, Talinong Filipino” (tulang pansabayang bigkas na naka-angkla sa opisyal na tema ng Buwan ng Wika 2022: “Filipino at Mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha“)

ni Arlan Camba (Politechnic University of the Philippines)

i

Hinahabi ng dila

usal ng pag-unlad,

kultura ng salita

ay apoy na lumaganap;

ikinalat

katutubong mga binhi

ng paglikha at pagtuklas;

umusbong at nagkaugat,

yumabong at inianak,

dunong

ng katutubong talino

wisyo

ng talinong Filipino.

ii.

Filipino;

ang wika kong nililinang,

pinagyaman…

katutubong mga wika

ang matibay na saligan,

pinagyabong ng wikaing

inuusal

sa lupalop at saanman;

sa libu-libong kapuluan,

sa sulok ng kanayunan,

sa kanugnog na sityo’t

mga bayan-bayan;

Filipino ang nagbanig –

katutubong karunungan,

wika itong kasangkapan

upang tuklasin

upang likhain

upang baklasin

nang muling buuin

ang dinistrungkang galing

ng bayang hitik sa talino

ng banwang pugad ng mga henyo

dunong na mapaglingkod;

sa kapwa, sa bayan,

kay Bathala na may lalang;

Filipino itong Wika ng Karunungan

Wika itong magbabaklas

mag-aalpas…

sa tawag ng kamangmangan!

iii

Ang wika ay pagtuklas

Ang wika ay paglikha;

sa wika nasaliksik

ang dakila nating gawa,

nabantayog ang talino –

katutubo nating dila;

Filipino’y napabantog

katutubo nating wika;

ang wika ay karunungan

kasangkapan sa paglaya,

katutubong karunungan

ang mag-asam na lumaya,

ang likas at katutubo

pag sinupil, sinunganga;

katutubo at likas din

na bawiin itong laya.

iv.

Katutubong mga wika

pinagyabong, pinagyaman;

ito’y Wikang Filipino

na kaban ng karunungan,

Wika ito at wikain

na lagpas sa kasangkapan

ng pagtuklas at paglikha

sa talino nitong bayan;

ang wika ay hininga

ang wika’y kaluluwa

ang wika ay ang budhi

at ang tawag ng konsensiya;

mga wikang katutubo

ng bayan kong sinisinta

nang likumin

nang gamitin

sumalamin ay kultura.

v.

Filipino’y kasangkapan

sa pagtuklas at paglikha;

ang saliga’y ang mayamang

katutubo nating wika;

‘di sukatan ng talino

ang antas ng ating dila

bawat wika at wikain

tinuturing na dakila;

Filipino ay larangan

ng paglikha at pagtuklas;

katutubong mga wika

ay wika ng mga pantas,

ang lalim ng karunungan

nang lubusang matalastas

sa sariling wika lamang

mauugat ang dalumat!

Filipino

ang tutuklas

Filipino

ang lilikha

Filipino ang hulmahan-

katutubo nating diwa;

Filipinong ang sandiga’y

katutubo na salita,

Filipino

walang iba;

Ang Pambansa nating Wika!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s