Pribilehiyong Talumpati (15 Agosto 2022)

Pribilehiyong Talumpati

House of Representatives Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List France Castro

15 Agosto 2022

Ukol sa red-tagging at book purge na ginawa ng Komisyon sa Wikang Filipino at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict

Sa ngalan ng demokrasya, maglalaho kayo!

Sa ibabaw ng lupang ito, sa ibabaw ng mundo.

Mga NPA sympathizers, mga NPA sympathizers,

Mga pasabilis ng komunista.

Sunugin ang mga kamalig!  Hulihin ang mga baboy at kalabaw!

Huwag magtitira ng kahit na ano!

Lalamunin lang yan ng mga komunistaaaa!

Tortyurin ang mga kalalakihan!

Sa ngalan ng demokrasya, maglalaho kayo!

Sa ibabaw ng lupang ito, sa ibabaw ng mundo.

Sa ngalan ng Demokrasya, Komunista’y mawawala!

Wala kaming ititira, lahat kayo’y maglalaho!

Gahasain ang mga kababaihan!!!

                     – Song of Torture (mga linya ni Kapitan)

                     Mula sa “Macli-ing,” isa sa mga dula sa “Teatro Pulitikal                           Dos”

[Or:

Ang daigdig ni Juan ay puno ng mga taong maralita

Kaming maralita ay may damdamin

Kaming maralita ay marunong masaktan at masiyahan

Kaming maralita ay may sadyang kabaitan

Kaming maralita ay may pangangailangan at karapatan

                     – Koro sa Kaliwa

                     Mula sa “Juan Tamban,” isa sa mga dula sa “Teatro Pulitikal                          Dos”]

          Magandang hapon, mga Kamambabatas at G./Mme. Speaker.  Minabuti kong buksan ang Pribilehiyong Talumpati na ito gamit ang mga salitang pilit na tinatago mula sa mamamayan.

          Nitong Agosto 9, matapos i-red tag sa SMNI ng serial red-tagger na si Lorraine Badoy-Partosa at iba pang ahente ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF ELCAC ang di-bababa sa labing-pitong libro, naglabas ang dalawang Komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino o KWF ng Memorandum 2022-0663 na nag-uutos ng isang book purge.  Walang nilatag na batayan o ebidensya ang SMNI, si Badoy-Partosa, at iba pang sangkot sa pagbibintang na ito.  Anila, may mga sipi at reference ang mga akda sa mga dokumento ng Communist Party of the Philippines at the New People’s Army, at ang mga ito ay “may lahok na subersibo at kontra-gobyerno.”  Ni-red-tag at sinalaula din ang alaala nila Alice Guillermo, isang batikang kritiko at istoryador ng sining, at Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura at Pangulong Tagapagtatag ng ACT Teachers Party-List.

          Sabi pa nga ng Memorandum, ang mga libro ay “may subliminal na ideolohiyang nanghihimok at/o nakapag-uudyok na labanan ang pamahalaan.”  May mala-bantang utos din ang KWF: “huwag ipamigay ang mga tukoy na aklat sa ibaba upang hindi tayo managot sa RA 11479 [o ang Anti-Terrorism Act] partikular sa [S]eksiyon 9, Inciting to commit terrorism.”

          Dahil sa red-baiting at book purge na ito, pinagbawalan ang pag-imprenta ng limang akdang tinukoy, at inutos ang pull-out ng mga ito sa lahat ng mga aklatan at paaralan.

          Sinundan ito ng isang diumano’y Resolusyon na pinirmahan ng limang Komisyoner na may pamagat na Statement of Condemnation on the Illegal Acts of the Chairman of Komisyon sa Wikang Filipino, Arthur P. Casanova on Endorsement, Publication, and Proliferation of Subversive Books.  Malinaw sa Resolusyong ito ang tunay na motibo ng book purge:  Sa pananaw ng limang pumirma, sila Carmelita Abdurahman, Benjamin Mendillo, Angela Lorenzana, Alain Russ Dimzon, at Hope Yu, ang mga libro ay may “subversive themes, explicit Anti-Marcos and Anti-Duterte contents,” at ang mga akda ay tinukoy bilang “radical manuscripts.”

          Para lamang sa kaalaman ng lahat, babangitin ko ang mga biniktimang libro ng book purging ng NTF ELCAC at KWF:

  1. “Teatro Pulitikal Dos” ni Malou Jacob,
  2. “Kalatas: Mga Kwentong Bayan at Kwentong Buhay” ni Rommel Rodriguez,
  3. “Tawid-diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979” ni Dexter Cayanes,
  4. “May Hadlang ang Umaga” ni Agustin Pagusara, at
  5. “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel Aguila.

          Para rin sa inyong kabatiran, ang limang awtor ay pawang mga premyado at kilala sa kani-kanilang mga larangan.  Ang “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Aguila ay kinilala ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, tinaguriang pinakamataas ng award-giving body ng Pilipinas sa panitikan.  Palanca awardee rin sina Rodriguez at Pagusara, na isa ring biktima ng martial law.  Samantala, patung-patong na ang mga award na tinanggap ni Jacob hindi lang dito sa Pilipinas, pati na rin sa ibang bansa.  Karamihan sa kanila ay respetadong guro, lahat ay makabayang alagad ng sining.

          Nanganganib din na mawala sa mga aklatan ang iba pang mga akda na ni-red-tag ni Badoy at NTF ELCAC.

          Mantakin ninyo, mga Kamambabatas, na sa Buwan ng Wika pa talaga pilit pinutol ang mahigpit na ugnayan ng wika at lipunan.  Mantakin ninyo, na ilang buwan lang ang lumipas matapos ipalimbag at ipaimprenta ng KWF ang mga librong ito, ay ipatitigil ng KWF mismo ang kanilang diseminasyon.  Pinagbintangan ang sariling mga pinalimbag, tinuring na krimen ang kritisismo, na kasalanan ang katotohanan.  Ang dapat na taliba ng wika, umakto bilang Board of Censors.

          Subersibo?  O naglalahad lamang ng pulitikal at panlipunang reyalidad?  Ayon nga kay Tagapangulong Arthur Casanova ng KWF, wala ni isa sa mga akda ang subersibo, at sa katunayan ay sumailalim sila sa “pagsusuri at pumasa sa KWF-Yunit ng Publikasyon, kabilang ang pagtanggap ng imprimatur/pahintulot ng dalawang (2) Full-Time na Komisyoner.”  Dagdag niya, “mapanganib na yumuyurak sa x x x malayang pamamahayag at akademikong kalayaan” ang inutos na book purging.

          Mga Kamambabatas, habang nagsasalita ako ngayon, hindi bababa sa kwarentang departamento sa mga unibersidad at kolehiyo, at mga organisasyon at indibidwal na tagapagtaguyod ng wika, kultura, at edukasyon ang kumondena na sa red-tagging at pagsensurang ito na ginawa ng NTF ELCAC at KWF.  Sa mismong mga sandaling ito, dumarami pa ang mga guro, manunulat, direktor, artista, at mga manggagawa sa sining ang nagpapahayag ng matinding dismaya at galit sa mistulang Nazi-inspired na book-burning.

          Halos iisa ang kanilang boses sa paghihingi ng pananagutan sa ginawang paglabag sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, at kalayaang akademiko, at kalayaan ng lahat ng manlilikha sa buhay, kalayaan, at kaligtasan, laluna ng mga awtor ng mga tinarget na akda.

          Sa darating na Miyerkules ay haharap sa Committee on Basic Education and Culture ang KWF.  Ngayon pa lang ay sinasabi ko na na dapat silang maghanda ng eksplanasyon kung bakit nila piniling maghasik ng walang batayan ngunit nagsasapanganib na akusasyon, sa halip na tuparin ang kanilang mandato sa ilalim ng Saligang Batas at ng Republic Act 7104 o charter ng KWF.  Ayon nga sa Seksyon 9 ng Artikulo XIV, ang KWF ang “mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.”  Isa sa mga tungkulin ng KWF, ayon sa charter nito, ay “encourage and promote x x x the writing and publication, in Filipino and other Philippine languages, of original works, including textbooks and reference materials and various disciplines.” (Section 14 (e))

          Dapat magpaliwanag ng KWF, laluna ng mga pumirmang Komisyoner, at ng NTF ELCAC:  Ano ang kinakatakot ninyo sa mga tula, dula, at prosa?  Sa mga pahinang nagbubukas sa mambabasa sa mga mundong kathambuhay-ngunit-katotohanan?  Nasaan ang subersyon o rebelyon sa paglalathala ng katotohanan ukol sa batas militar at paghihirap na dinanas ng mga Pilipino sa ilalim nito?  Bakit ninyo pilit na ibinabalik ang bansa sa panahon ng sensura, sa madilim at madugong panahon ng binusalang mga labi at ginapos na kamay-panulat? 

          Sapagkat ano ang terorismo, kung hindi ang paggamit ng mga makapangyarihang armas ng Estado upang pagbantaan at takutin ang mamamayan, upang patahimikin sila at ilugmok para paniwalaan lamang nila ang mga ideyang gusto mong paniwalaan nila?

          Hinihiling namin—Hindi, sininisingil namin ang agarang pagbabasura ng ilegal na Memorandum at Resolusyon ng KWF na nag-uutos ng book purging.  Sinisingil namin mula sa KWF at NTF ELCAC ang paghingi nila ng paumanhin sa publiko sa ginawa nilang red-tagging at pagsesensura.

          Mga Kamambabatas, dapat nating tuldukan ang mga ganitong kilos ng mga ahensya at opisyal na nagsasapanganib sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan at yumuyurak sa karapatan sa pananalita, pamamahayag, at akademikong kalagayan.  Hindi unang beses na nangyari ang book purge na ito at hindi ito ang unang atake laban sa libro.  Isinasagawa ito sa konteksto ng iba pang red-tagging sa mga guro, awtor, at publishing houses, sensura online at offline, at historical denialism—mga atakeng sa suma total ay nagsasabing bawal magsalita, bawal magsulat, bawal magbasa, at bawal mag-isip, liban na lang kung ang sasabihin, isusulat, babasahin, at iisipin ay mga ideya ng nasa poder.  Kung hindi tayo kumilos laban sa mga ganitong atake, tayo mismo ang magpapatotoo na “Sa gobyernong takot sa kritisismo, lahat ng libro, subersibo.”

          Sa panghuli, hayaan ninyo ako ang aming mensahe.  Nakikiisa kami sa buong komunidad ng akademya at kultura sa pag-giit nito:  Silang mga takot sa mga tula, dula, at prosa ay walang batayan sa katotohanan, batas, at makataong asal upang patahimikin ang mga awtor at manlilikha, walang dahilan upang piringan ang mga mata ng mga taong nais yakapin ang kanilang mga salita.  Ang katotoohan, ang mga takot sa mga librong nakatindig sa eskaparate ay nanginginig sa ideya ng mamamayang tumitindig—laban sa inhustisya, laban sa mga nasa poder ng kapangyarihan na gumagamit ng kasinungalingan upang lalong ilugmok ang bayan sa opresyon at kahirapan.

          Hands off our books!

          Hands off our libraries!

          No to red-tagging!

          Magandang hapon sa lahat. ##

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s