Opisyal na Pahayag ng Tanggol Wika Hinggil sa Pagbabasura ng MTB-MLE at Planong Bawasan ang Asignaturang Filipino sa Senior High School

Opisyal na Pahayag ng Tanggol Wika Hinggil sa Pagbabasura ng MTB-MLE at Planong Bawasan ang Asignaturang Filipino sa Senior High School

Makabayan at makamasang patakarang pangwika, ipaglaban!

MTB-MLE, suportahan at pondohan!

Filipino subjects sa senior high school, huwag alisin o bawasan!

Ipinapahayag ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) ang mariing pagtutol sa implementasyon ng Republic Act (R.A.) No. 12027 (Act of Discontinuing the Use of the Mother Tongue as Medium of Instruction from Kindergarten to Grade 3) at sa planong alisin o bawasan ang asignaturang Filipino sa senior high school. Dalawang magkaugnay na hakbang ito na lalo pang magpapalala sa neokolonyal at anti-makabayang direksyon ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas. 

Tinututulan natin ang pagbuwag sa programang MTB-MLE batay sa mga sumusunod na punto:

  1. Ang pagbabasura sa programang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) ay taliwas sa likas na batas ng pagkatuto na ang mga bata ay mas mabilis na natututong magbasa at magsulat kung wikang sarili ang ginagamit sa pagtuturo.
  2. Ang pagbabasura sa MTB-MLE ay kabaligtaran din ng rekomendasyon ng halos lahat ng eksperto sa pagkatuto at edukasyon.
  3. Ang anumang kakulangan sa naging implementasyon ng MTB-MLE mula 2013-2023 ay hindi dapat isisi sa programa mismo kundi sa kakulangan ng pondo para sa sistemang pang-edukasyon. Ang dokumentadong kakulangan ng mga storybook, textbook, glosaryo, diksyunaryo at iba pang mahalagang materyal-panturo para sa MTB-MLE – bukod pa sa kakulangan ng sapat na pagsasanay para sa mga guro – ay direktang resulta ng kabiguan ng Malakanyang, Kongreso, at Senado na paglaanan ng sapat na badyet ang sistemang pang-edukasyon ng bansa. Sa aspektong ito ay halos wala pang progreso mula sa halos lahat ng administrasyong post-EDSA I hanggang sa ikalawang administrasyong Marcos: laging kulang ang badyet sa edukasyon. Nagkulang din ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) sa pagtitiyak na ang lahat ng kailangan ng mga guro at estudyante, lalo na sa elementarya, ay maibibigay. Hindi inaksyunan ng mga nakaraang kalihim ng DepEd ang mga makatwirang demand ng mga guro kaugnay ng MTB-MLE at ng buong sistemang pang-edukasyon. Ang positibong impact ng MTB-MLE ay naging mas malawak sana kung ganap na pinondohan ng gobyerno ang lahat ng kailangan para sa maayos nitong pagpapatupad nang simulan ito noong 2013.
  4. Taliwas sa claim ng mga kongresista at senador na nagbasura sa MTB-MLE, may mga lugar kung saan nagbunga ng matataas na marka ng mga estudyante. Halimbawa, batay sa datos ng Bureau of Learning Delivery sa Early Language, Literacy, and Numeracy Assessment (ELLNA), mas mataas ang mean percentage score ng mga estudyanteng Filipino, Hiligaynon, Ilokano, Ivatan, Kapampangan, Kinaray-a, Maguindanaon, Maranaw, Sinugbuanong Binisaya, Surigaonon, Waray, at Yakan ang wika kaysa sa mean percentage score ng mga estudyanteng Ingles ang wika. Samakatwid, may sapat na ebidensya para sabihing ang MTB-MLE ay may positibong impact din sa ilang mga rehiyon.
  5. Ang pagbabasura ngayon sa MTB-MLE ay hakbang paurong na magbabalewala sa mga tagumpay ng paggamit ng wikang sarili sa edukasyon, at magbubunga ito ng lalong pagdausdos sa kalidad ng edukasyon sa bansa. 
  6. Ang mga inisyatibang kaugnay ng MTB-MLE ay naging salbabida ng ilang wika ng Pilipinas nasa bingit ng alanganin (mga nanganganib na wika o endangered languages) kaya’t ang pagpaslang sa MTB-MLE ay tila pagpaslang na rin sa mga wikang nanganganib sa Pilipinas.
  7. Ang marami at mahigpit na rekisitos para sa opsyonal na pagpapatupad ng MTB-MLE sa mga monolinggwal na klase (gaya ng pagdebelop at paglalathala ng opisyal na ortograpiya at produksyon ng iba’t ibang uri ng babasahin) ay tila katumbas na rin ng pagbabawal sa MTB-MLE mismo kung isasaalang-alang ang hindi naman sapat na badyet para sa ahensyang inatasan ng mga nasabing gawain.
  8. Bagamat sa unang tingin ay aakalaing pabor sa wikang pambansa ang R.A. 12027, mas malapit ito sa pagpapatupad ng status quo ng patakarang pangwikang maka-Ingles sapagkat hindi nito hinihikayat ang paggamit ng Filipino labas pa sa mga domeyn na dati na itong ginagamit. Dapat bigyang-diin na sa mahabang panahon, halos sa Araling Panlipunan lamang ginagamit ng maraming paaralan ang Filipino bilang wikang panturo at nananatiling Ingles ang wikang panturo sa mga asignaturang Siyensya at Matematika. Ang gayong patakarang pangwikang maka-Ingles ay tumatagos hanggang sa SHS na ang mga umiiral na curriculum guide ay pawang nasa Ingles, liban sa mga asignaturang Filipino. Kung babalikan ang iba pang pahayag ng presidente, lalong lilitaw ang ganitong maka-Ingles na patakarang pangwika na ibinabandera sa ngalan ng pagpapatuloy ng labor export policy (LEP; patakarang pag-eeksport ng mga manggagawang Pilipino). 

Kaugnay ng mga nabanggit na punto, nananawagan tayo sa Kongreso, Senado, at Palasyo na agarang ibasura ang Republic Act (R.A.) No. 12027.

Tinututulan din natin ang anumang planong bawasan o tuluyan nang alisin ang mga asignaturang Filipino sa senior high school (SHS). Ayon sa impormasyong natanggap ng Tanggol Wika, kasalukuyang isinasapinal ng DepEd ang bagong kurikulum para sa SHS. Sa isang bersyon ng borador ng kurikulum ng SHS, magiging isa (1) na lang (mula sa dating 3) ang mandatoring asignaturang Filipino sa SHS. May ilang entidad din na sa halip na bawasan lamang ay nagmamaniobra para tuluyang alisin ang lahat ng asignaturang Filipino sa SHS. Ang ganitong plano ay tinututulan ng Tanggol Wika batay sa mga sumusunod na punto:

  1. Bago pa ang napabalitang planong bagong kurikulum sa SHS, matatandaan na nang ilabas ang Matatag Curriculum ay inalis na rin ang Filipino sa Grade 1, kaya’t anumang pagbabawas o pagtatanggal ng asignaturang Filipino sa SHS ay panibagong dagok na naman sa pagtataguyod ng wikang pambansa sa edukasyon. 
  2. Alinsunod sa college readiness standards na inilabas mismo ng gobyerno, ang mga kasanayang pangwika, pampanitikan, pangkomunikasyon, at pampananaliksik ay kailangang linangin para maging handa sa pagkokolehiyo ang mga estudyanteng Pilipino. Samakatwid, esensyal at di dapat bawasan ang espasyo para sa Filipino na siyang asignaturang lumilinang sa lahat ng mahahalagang kasanayang ito. 
  3. Sa ibang bansa sa Asya gaya ng Malaysia, Indonesia, Thailand, Vietnam, South Korea, at Japan, mandatoring asignatura rin sa SHS/upper secondary school ang kanilang wikang sarili. Pawang mas mataas din ang score sa Programme for International Student Assessment (PISA) ng mga bansang ito kaysa sa Pilipinas. 
  4. Kung ang pabalat-bungang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo ang gagamiting dahilan para bawasan o alisin ang Filipino bilang asignatura sa SHS, dapat bigyang-diin na ang pagkakaroon ng matitibay na asignaturang Filipino lamang ang makapagtitiyak na may sapat na pundasyon at pagsasanay ang mga estudyante para sa epektibong pagiging wikang panturo ng Filipino sa iba pang asignatura. Sa simpleng salita, mababalewala at mabibigo lamang ang anumang pagsisikap na gawing wikang panturo ang Filipino sa iba pang asignatura kung walang asignaturang Filipino ang mga estudyante. 
  5. Sa napakaraming kaugnay na pananaliksik, nailahad na ang mahigpit na ugnayan ng pambansang kaunlaran at matibay at intelektwalisadong wikang pambansa. Halimbawa, batid nating lahat na ang relatibong mabilis at mas naunang industriyalisasyon ng Japan (kumpara sa iba pang bansa sa Asya) ay direktang resulta ng patakarang pangwika at pang-edukasyon na nakakiling sa paggamit at pagtuturo ng wikang sarili sa lahat ng antas ng edukasyon na nagbigay-kasanayan sa mga estudyante, guro, mananaliksik, inhinyero, siyentista at iba pang Hapones para sa mabilisan at tuluy-tuloy na produksyon ng mga tekstong siyentipiko at teknikal na naging (at patuloy na) salalayan ng pagyabong ng industriya at ekonomiya ng Japan. Samakatwid, ang pagbabawas ng espasyo para sa Filipino sa SHS ay pagpapahina rin sa pagsulong ng intelektwalisasyon ng Filipino at sa potensyal at kapasidad ng Pilipinas na maabot ang lebel ng kaunlaran na naabot na ng Japan at iba pang bansang nagpapahalaga sa at gumagamit ng wikang sarili sa edukasyon. 
  6. Bukod sa matagal nang alam ng lahat na mga probisyong pangwika sa Konstitusyong 1987, dapat bigyang-diin ang ipinapahayag sa Artikulo XIV, Seksyon 14 tungkol sa obligasyon ng Estado sa preserbasyon, pagpapayaman, at dinamikong ebolusyon ng pambansang kultura ng Pilipinas batay sa prinsipyo ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba, na mas epektibong maisasabalikat lamang kung may matibay na wikang pambansang magbubuklod sa mga mamamayan. Samakatwid, ang pagbabawas ng espasyo para sa Filipino ay malinaw na pagsuway sa atas ng Konstitusyon.
  7. Kung isasaalang-alang ang hindi paggamit ng mga ahensya ng gobyerno sa wikang Filipino at ang matagal nang patakarang pangwikang maka-Ingles sa mga paaralan, ang planong bawasan o alisin ang mga asignaturang Filipino sa SHS ay panibagong atake at banta na naman sa adbokasi para sa makabayang edukasyon.
  8. Nang ipataw ng CHED ang CHED Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013 na nagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga mandatoring asignatura sa kolehiyo, isa sa mga pangunahing palusot ng gobyerno ay ang claim na hindi naman daw talaga tinanggal ang mga ito at inilipat lamang sa senior high school. Kung babawasan o tatanggalin na rin ang Filipino at Panitikan sa senior high school, malinaw na isang malaking kasinungalingan ang palusot para sa CMO No. 20, Series of 2013 at lilitaw rin na matagal nang plano ng gobyerno na burahin ang Filipino sa sistemang pang-edukasyon at kung gayon, ang latest na planong bawasan o alisin ang Filipino sa kurikulum ng SHS ay pagpapatuloy lamang ng pangkalahatang iskema na alisin ang espasyo para sa makabayang edukasyon.  
  9. Nang ipataw ang CMO No. 20, Series of 2013, humigit-kumulang 10,000 guro ang nanawalan ng trabaho, nabawasan ng teaching load (at ng sweldo/kita rin), na-displace, o sapilitang inilipat ng lebel o asignaturang itinuturo. Naging mahirap ang sitwasyon ng marami sa mga gurong apektado na ang iba ay sapilitan ngang inilipat sa SHS. Kung aalisin o babawasan ang Filipino subjects sa SHS, muli na namang madi-displace ang maraming guro.
  10. Kung pababayaang bawasan o alisin ang Filipino subjects ngayon sa SHS, hindi malayong dumating ang araw na unti-unti na rin itong alisin at tuluyang paslangin maging sa junior high school at elementarya. Sa kasagsagan ng pakikibaka natin laban sa anti-Filipino CMO No. 20, Series of 2013 ay nagbabala na tayo sa posibilidad na ang pagtatanggal ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo ay maging prelude sa pagtatanggal din nito sa iba pang lebel ng edukasyon. Dapat tayong matuto sa aral ng kasaysayan at ngayon pa lang ay hadlangan na ang anumang tangka na bawasan o alisin ang mga natitirang asignaturang Filipino. 

Kaugnay ng mga nabanggit na punto, nananawagan tayo sa Departamento ng Edukasyon (DepEd) na huwag bawasan at lalong huwag alisin ang mga Filipino subjects sa SHS. Hinahamon natin ang DepEd na maging ingklusibo sa pagpaplano at pagdebelop ng kurikulum upang matiyak na ang bagong kurikulum ay tumutugon sa pangangailangan ng mga estudyante at mga komunidad sa bansa at nagsasaalang-alang sa mahahalagang feedback ng mga stakeholder sa edukasyon. 

Nananawagan tayo sa lahat ng mga tagapagtaguyod ng wikang sariling atin na sama-samang tutulan ang pagbabasura sa MTB-MLE at ang planong alisin o bawasan ang mga Filipino subjects sa SHS. Suportahan natin ang mga progresibong lehislasyon sa edukasyon gaya ng House Bill 1774 o The Official Communication Act/OCA, Panukalang Batas Bilang 564 o Batas para sa Filipino at Panitikan sa Kolehiyo, at House Bill 1783 o Education as Priority in the National Appropriations Act/EDNA Act .  

Lumahok tayo sa mga aktibidad ng Tanggol Wika at maging kabalikat sa pagsusulong ng makabayan at makamasang patakarang pangwika at pang-edukasyon. Tiyakin natin na ang mga isyung pangwika at pang-edukasyon ay matatalakay sa mga forum at debate kaugnay ng Eleksyong 2025. Suportahan natin ang kandidatura ng mga makabayang kandidato at partylist na nagtataguyod ng mga wikang sariling atin. Sama-sama nating buuin ang sistemang pang-edukasyon na tunay na makamasa at makabayan.

Sa diwa ng lahat ng nabanggit, muli naming binibigyang-diin ang mga sumusunod na kagyat na panawagan:

Makabayan at makamasang patakarang pangwika, ipaglaban!

MTB-MLE, suportahan at pondohan!

Filipino subjects sa senior high school, huwag alisin o bawasan!

Badyet sa edukasyon, dagdagan!

Kulang na libro at iba pang materyal, isuplay!

Edukasyon para sa pambansang kaunlaran, hindi para sa pag-eeksport ng ating mamamayan!

14 Oktubre 2024

Ilang kaugnay na babasahin:

https://docs.congress.hrep.online/legisdocs/basic_19/HB01783.pdf?fbclid=IwY2xjawF4VoxleHRuA2FlbQIxMAABHRppZ44DkL7oK0aXzDj3Zr8lzJsOGDDclwfIGaIIgM6IO_IFXhQotGT_PA_aem_w2p8EakMmwrDMo-x4x8lcg

https://docs.congress.hrep.online/legisdocs/basic_19/HB00564.pdf?fbclid=IwY2xjawF4Vw5leHRuA2FlbQIxMAABHQV2iz6EmGjWtzH-bE1xYnrvy8CDckDL76wemT446t3Jq3jUSA3DRoyBow_aem_Y6t1yl3CTVIT8-vULwaUOA

https://www.researchgate.net/publication/373439568_Buod_ng_Resulta_ng_Pambansang_Survey_sa_Implementasyon_ng_MTB-MLE_2023

https://www.nber.org/papers/w32667

https://www.econstor.eu/handle/10419/211080

https://www.rappler.com/voices/thought-leaders/opinion-deletion-mother-tongue-matatag-k-10-curriculum/

https://www.researchgate.net/publication/382694481_Sipat_sa_Sitwasyong_Pangwika_ng_Bansa_Bilang_Lunsaran_ng_Pagbabalangkas_ng_Pambansang_Planong_Salubungan_ng_Estado-Sentrikong_Polisiya_at_Baba-Taas_na_Adbokasiya_Tungo_sa_Preserbasyon_ng_Mga_Wika_sa_P?_tp=eyJjb250ZXh0Ijp7ImZpcnN0UGFnZSI6InByb2ZpbGUiLCJwYWdlIjoicHJvZmlsZSJ9fQ

https://www.researchgate.net/publication/383158122_Language_and_Education_Policies_in_the_Philippines_Critique_and_Alternatives

Leave a comment