Nagulantang ang lahat sa balitang sumadsad na sa 7 piso kada kilo ang palay. Prediksyon na ito noon pa ng mga magsasaka at mga kapanalig nila na nananawagan laban sa rice tariffication (ang pag-aalis ng quota o limitasyon sa dami ng bigas na pwedeng i-import ng mga negosyante sa Pilipinas, at pagpapataw ng tariff o taripa – buwis sa iniimport – sa imported na bigas). Medyo mas mura ang imported na bigas dahil ss suporta ng mga gobyerno nila sa kani-kanilang sektor-agrikultura mula sa subsidyo (pera o resorses na mula sa gobyerno) sa pagtatanim hanggang sa maayos na pasilidad sa pagtutuyo ng palay hanggang sa magiling na ito sa mga kiskisan (rice mill) para maging bigas. Samantala, mababa lang din ang presyo ng palay sa Pilipinas pero mahal ang bigas dahil sa malaking patong ng mga negosyanteng bumibili ng palay hanggang mga negosyanteng nagtitingi ng bigas.
Sa short term, paborable sa konsyumer ang pagbaha ng imported na bigas na mas mura. Pero mapapansing halos di naman bumaba ang presyo ng bigas kahit nang ipatupad ang rice tariffication dahil nagpatong ng karagdagan ang maraming negosyante. Sa pangmatagalan, sasadsad pa ang presyo ng palay hanggang sa mangyari ang alinman sa o kombinasyon ng mga sumusunod: 1) pag-abandona ng mga magsasaka sa agrikultura dahil wala nang kinikita at lugi pa; 2) pagdoble ng presyo ng bigas kapag wala nang kalabang lokal ang imported na bigas; 3) malawakang aklasan ng mga magsasaka at mamamayan laban sa kagutuman at mataas na presyo ng bigas.
Bakit nga ba humantong tayo sa ganito?
Isa sa mga dahilan ang kawalan ng demokratikong konsultasyon at debate hinggil sa rice tariffication bago ito ipinatupad. Sa kabila ng noon pa’y protesta at prediksyon ng mga magsasaka hinggil sa negatibong epekto ng ganitong patakaran, nilakad at nairatsada ng mga politikong may koneksyon sa mga dambuhalang importer ang nasabing polisiya. Hindi rin naman naging malawak at malaganap ang pag-uulat noon ng midya sa isyung ito. Usapin ng wika at komunikasyon din samakatwid. Kung sa halip na “rice tariffication” ay tinawag ito na “pagbaha ng imported na bigas na papatay sa mga lokal na magsasaka at agrikultura,” baka mas marami ang agad na tumutol dito bago pa man maipatupad.
Mabuti at hindi pa huli ang lahat. Ngayong malinaw na ang epekto ng rice tariffication, dapat tayong magkaisa sa pagtutol dito, alang-alang sa ating mga magsasaka at sa ating karapatang mag-extra rice.