Agosto: Buwan ng Kaululan

Dapat nang pangalanan ang Agosto bilang kaululan, lalo na ngayong 2019.

Ululan, lokohan lamang naman kasi ang “Buwan ng Wika” at “Buwan ng Kasaysayan” sa Pilipinas. 

Matatapos na ang “Buwan ng Wika” ngunit wala pa ring pormal at publikong anunsyo ang Commission on Higher Education (CHED) tungkol sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo, ngunit tila mayamang-mayaman naman sa free time ang tagapangulo ng CHED na si Prospero “Popoy” De Vera na may panahon pa ngang magdeklarang diumano’y laganap sa ilang lugar sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ang droga (kung bakit droga ang pinagkakaabalahan ni De Vera, sa kabila ng “elepante sa silid” (bagay na nariyan at kitang-kita pero ayaw pansinin) – ang kawalan nila ng aksyon sa kahilingan ng mga mamamayan na ibalik ang Filipino at Panitikan bilang mga mandatoring asignatura.

Mainam at tuloy at buhay ang mga gawad at patimpalak ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Gayunman, sana’y naging mas maingay ang pangangalampag nila sa opisina ng CHED. Bilang mga nasa poder, may kapangyarihan silang direktang isalya sa pader ang mga taga-CHED lalo na at “Buwan ng Wika” ang Agosto. Hinggil sa isyu ng Filipino at Panitikan,  malungkot na katotohanang paulit-ulit ding sinulatan ng punong komisyuner ng KWF si De Vera, at wala silang natanggap na anumang tugon (bagamat, gaya ng nabanggit na, mayamang-mayaman sa oras si G. Prospero). Sana’y ipinagsakdal ng KWF ang CHED sa Civil Service Commission (sa paglabag sa Code of Ethics para sa Public Officials na nagbibigay-diin na required ang mga opisyal ng gobyerno na tugunan ang anumang kahilingan sa kanila), upang matiyak na mas magkakaroon na ng panahon si De Vera sa mga isyung dapat una niyang kaharapin, bago pa ang diumano’y laganap na droga sa kampus ng UP sa Diliman.

Mainam din ang nakipag-“diwang” ang Department of Education sa “Buwan ng Wika.” Ang pakikipagdiwang ay hindi nangangahulugang pagsasapuso niyon, kaipala. Marami pa ring ulat na ang mga modyul para sa Filipino (at iba pang asignatura) ay hindi pa rin naidedeliver sa ilang lugar sa bansa, sa kabila ng buladas noon pa ng ahensya na handang-handa na sila sa implementasyon ng K to 12. Bumulaga sa lahat noong 2017 ang kauna-unahang resulta ng National Achievement Test na nagpapakitang BAGSAK ang average na score ng mga estudyante ng K to 12 SA LAHAT NG ASIGNATURANG SAKLAW niyon. Pinakamataas pa nga ang score (bagamat bagsak pa rin) sa Filipino.

Malinaw kung gayon na alinsunod mismo sa datos ng DepEd, KINAKAILANGAN ang pagkakaroon ng asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo PARA MAN LAMANG SA PINAKAMINIMUM ay maremedyuhan ang kakulangan sa basic education. Binibigyang-diin na MINIMUM na dahilan lamang iyon para sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo DAHIL MAS MARAMI PANG MAS MABIBIGAT NA DAHILAN. Sa kasamaang-palad, kasama si DepEd Sec. Liling Briones (Auntie Liling kung tawagin ng mga pilyo/pilyang guro na naiinis na sa matamlay niyang suporta sa pagtataas ng sweldo ng mga guro, atbp.) sa mga nagdedepensa sa pagpatay ng CHED sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Diumano’y sapat na ang Filipino at Panitikan hanggang senior high school. Hindi yata nagbabasa ng resulta ng NAT si Auntie Liling.

Mainam naman ang ginunita rin ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang “Buwan ng Kasaysayan,” bagamat tila wala pa rin silang opisyal na pahayag sa isa pang “elepante sa silid” – ang pagpatay ng K to 12 sa asignaturang Philippine History sa junior high school. Mabuti’t nagsisimula na ring lumaganap ang panawagan ng Tanggol Kasaysayan para sa pagbabalik ng Philippine History sa junior high school.

Isa pang kaululan sa buwan ng Agosto ang mga seremonyal na “pagdiriwang” ng “Buwan ng Wika” at “Buwan ng Kasaysayan” sa mga paaralan (lalo na sa mga elementarya at hayskul). Tuwing Agosto lamang pinapayagang magpa-aktibidad ang mga Departamento ng Filipino sa maraming paaralan, at sa buong taon ay balik sa realidad na wikang tinatapak-tapakan pa rin ang wikang pambansa. Marahil, magsisimula ang wakas ng mga kaululan sa bansang ito kung sisimulan na rin nating BUONG TAON GAMITIN, IPAGDIWANG, LINANGIN ATBP. ang ating wikang pambansa. 

Iyan ang dahilan kung bakit sa pagtatapos ng “Buwan ng Wika” natin sinimulang ilunsad ang website ng Tanggol Wika. Bagong simula ito.

A luta continua! Tuloy ang laban! 

Wika at bayan, ipaglaban!

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s