Ukol sa katayuan ng Wikang Filipino at mga Wikang Pilipino sa aspetong polisiya at badyet (Pribilehiyong Talumpati ni Kinatawan France Castro ng ACT Teachers Party-List; 27 Agosto 2019)
Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:
Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,
Ganito ring araw nang agawan ka ng laya,
Labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila,
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;
Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
Walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
Tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:
Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
Kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
Kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
Kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
Lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,
May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
Magandang hapon, Ginoong Ispiker, mga kamambabatas, at sa lahat ng mga nakikinig.
Binuksan ko ang Pribilehiyong Talumpati ko ngayong Martes gamit ang “Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan” ni Ka Amado Hernandez, ang tinatanghal bilang “Manunula ng Manggagawa,” dahil napapanahon ang mga bersong ito hanggang sa kasalukuyan, halos siyam na dekada matapos sila inakda.
Ginoong Ispiker at mga kamambabatas, ngayong Buwan ng mga Wika, hayaan niyo akong ilahad ang kawawang kalagayan ng ating mga katutubong wika. Dalawang mayor na aspeto ng marhinalisasyong ito ang nais kong tugunan ng Kongreso: aspetong polisiya at aspetong badyet.
Gaya ng tinuran ni Ka Amado, hindi atin ang interes na winawagayway sa sarili nating sistema ng edukasyon. Halimbawa, gamit ang simpleng memorandum order ng CHED, sinuway ang takda ng Konstitusyon at mga batas at ginawang opsyonal lamang ang Wikang Filipino bilang asignatura, wika ng pagtuturo, at midyum ng opisyal na komunikasyon.
Ipinagpapatuloy lamang nito sa antas tersaryo ang sinisimulan sa elementarya at hayskul: Habang tumataas ang baytang o grado ng mga estudyante ay paliit nang paliit ang lugar ng Filipino bilang sabjek at wikang gamit sa pagtuturo. Matapos ang maliit na panahong nilalaan hanggang Grade 3 para sa pag-aaral ng at pagtuturo sa wikang kinagisnan o “unang wika” (L1) at ng Filipino o anumang “ikalawang wika” (L2), Ingles na ang dominante sa matataas na baytang sa elementarya lalo na sa hayskul. Walang sapat na panahon para sa mas malalim na pag-aaral sa Filipino at iba pang wika ng bansa. Ayon sa mga eksperto sa Filipino at mga wika ng Pilipinas, napakababa ng mga tinatarget na competencies ng curriculum hanggang senior high school. Wala ring sapat na puwang para sa malalim na kasanayan at praktikal na paggamit ng Filipino at mga katutubong wika halimbawa sa malikhaing pagsusulat, pananaliksik, at panitikan.
Malayong malayo ito sa matagal nang pinanukala na sana’y mga unang hakbang upang magtagumpay ang wikang Filipino bilang wikang pambansa:
1. Ang teksto ng alinmang kasulatan ng pamahalaan na dapat maging batayan, lalo na ang bagong Saligang-Batas, ay kailangang Filipino.
2. Kailangang Filipino ang gawing tanging wika opisyal ng Pilipinas at pangunahing wikang panturo sa anumang kurso o asignatura sa lahat ng paaralan sa Pilipinas pati na sa mga kolehiyo at unibersidad.
3. Ang pangunahing layunin ng pangkalahatang edukasyon (general education) ay ang pagbubuo, paglilinang, at pagpapaunlad sa mga mag-aaral ng kakayahan sa pagsulat, pagsasalita, at pag-iisip sa Filipino at sa sariling wikang kinagisnan o L1.
At ito ang isa pang sistematikong atake sa mga wika ng bansa: Taun-taon, inuuhaw sa pondo ang mga ahensya at programa para sa paggamit, paglilinang, at pagpapalawak ng mga wika natin. Halimbawa ay ang Kagawaran ng Edukasyon at mga programa ng gubyerno para sana tuparin ang mandato ng Saligang Batas na “payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.”[1] Walang malalim at sistematikong suportang badyet para sa Filipino at iba pang mga Wikang Pilipino gaya ng Ilocano—ang wikang kinagisnan ko—at Bisaya, Waray, Manobo, at iba pa.
Halimbawa: ang Komisyon sa Wikang Filipino, ang natatanging ahensiyang pangwika ng bansa sa pagpapaunlad ng Filipino alinsunod sa diwa ng Konstitusyon. Sa binigay sa Kongreso ng administrasyon na panukalang badyet para sa susunod na taon, may 48% o halos kalahating tapyas sa pondo ng KWF. Fifty three percent ang budget cut sa MOOE samantalang halos 97% na budget cut sa capital outlay. At malalaman natin sa mga susunod na araw kung gaano kalalim ang mga budget cut sa DepEd, TESDA, DOH, at iba pang ahensyang may mandato ukol sa wika.
Nakalulungkot po, dahil ang KWF ang punong ahensya sa pagpapapatupad ng Filipino Sign Language Act o Republic Act 11106 at 2020 ang unang buong taon sana ng implementasyon ng batas na ito. Mga kamambabatas, Abril ng 2012 po unang isinulong ng ACT Teachers Party-List ang batas na ito, tinulungan tayong isulat ito ng mga representante ng mga rehiyunal at pambansang samahan ng mga Pilipinong may kapansanan sa pandinig o deaf rights advocates. Anim na taon po, Ginoong Ispiker. Anim na taong pinaghirapan ng mga kababayan nating may kapansanan sa pandinig para sa wakas ay opisyal nang ideklara ang kanilang Wikang Senyas o Filipino Sign Language at gawing institusyonal ang paggamit nito sa edukasyon, pati na rin sa mga ospital, korte, opisina ng pamahalaan, media, at iba pa.
Pero ano po ang saysay ng pagpapasa natin ng batas kung sa unang taon pa lang ng implementasyon nito ay hindi ito bibigyan ng pondo? Tila sinasayang natin ang paghihirap ng mga kababayan nating may kapansanan para isulong ang kanilang karapatan sa edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing serbisyo, at kanilang karapatan na makatangkilik sa pulitikal at panlipunang diskurso pati na rin sa pormasyon ng mga polisiya.
Ayon sa ulat ng FSL Advocacy Cooperative, na kasama natin ngayon dito sa plenaryo, hindi inaprubahan ng Sangay Ehekutibo ang Tier 2 proposals[2] ng mga ahensyang magsisiguro sana na ang mga mandato ng FSL Law ay hindi mananatili sa papel kundi maisasakatuparan. Samakatuwid, mananatiling pangarap pa rin ang mga libro, video, at accessible learning materials para sa pagtuturo ng FSL at pagtuturo sa learners with hearing disabilities. Mananatiling pangarap ang pagpapatibay ng KWF at DepEd bilang mga behikulo ng pagpapayabong at pagpapalaganap ng FSL.
Hindi limitado sa FSL ang ganitong sitwasyon. Halimbawa, ilan lang sa atin dito ang nakakita na ng libro o LMs sa kasaysayan, math, o science na inilimbag sa Ilokano o anumang unang wika natin, o sa wikang Filipino, at pinapalaganap at ginagamit sa ating mga pampublikong paaralan? Ilang gurong Manobo na ba ang nabigyan ng DepEd ng pagsasanay? Magkano ang ipinanukalang pondo para masimulan ang ortograpiya ng mga katutubong wika ng bansa?
Sa makrong pagtingin, dahil paimbabaw o panlabas lamang ang suporta sa aspetong polisiya at pinansyal sa Wikang Filipino, pinapatay sa mga Pilipino ang ating pagkakaisa, ang ating pagkabansa at pagkamaka-Pilipino. Gaya ng sinabi ni Amado Hernandez, “Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,/Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika.”
Nakapanghihinayang, Ginoong Ispiker, dahil sa ganitong kalagayan na nananatili tayong estranghero sa sarili nating wikang Filipino at mga katutubong wika, ay nananatili tayong estranghero sa isa’t isa. Ang wika ay pundasyon ng di-nasasalat na kulturang pamana o intangible cultural heritage, daluyan ng karunungang-bayan, at simbolo ng ating identidad at hangarin bilang iisang mamamayan. Sa pagpapakitid ng espasyo sa edukasyon para sa ating wika, sa di pagbibigay ng sapat na pondo, at sa kawalan ng pulitikal na loob na maka-wikang Filipino, pinahihina ang pundasyon, binabarahan ang daluyan, at pinapakupas ang mga kulay ng simbolo.
Sayang, mga kamambabatas, dahil tayong mga Pilipino lang ang may “bayanihan.” Walang dayuhan ang may gagap sa totoong “kilig,” “kulit,” at “gigil” nating mga Pilipino. At, dahil sa kasaysayang natatangi sa ating mga Pilipino, walang dating ang anumang banyagang salita para sa “sigwa” at “agit.” Walang salin na makasasapat para sa “Sulong, mga kapatid!” at “Makibaka, huwag matakot!”
Kung babalikan natin ang tula ni Amado Hernandez, mapapansin na wika, ang simbolo ng pagka-mamamayan, ang tuntungan niya upang iangat ang diskurso tungo sa iisang paghihirap, iisang pakikibaka, at iisang layon ng mamamayan.
Mga kamambabatas, sa panahong batbat pa rin tayo ng mga nagpapaluha sa ating bayan, mga wika ng ating mamamayan ang dapat natin suportahan, paunlarin, at ipalaganap. Ngayon ay panahon pa rin na ang bawat magsasaka, manggagawa, maging propesyunal gaya ng titser ay tila si Huli na naaliping bayad-utang dahil hindi kailanman sumasapat ang kita at nakabubuhay at sahod, at bawat Pilipino kahit hindi pa pinapanganak ay libu-libo na ang utang. Ngayon, marami sa ating mga kababayan ay binaliw ng kahirapan, nananaghoy dahil pinaslang ang mga kaanak, kaibigan, kasama sa komunidad, at kakampi sa kanilang mga laban; tumatangis, dahil ninakawan ng karapatang mabuhay ng disente, sa isang lipunang payapa at may hustisya. Ngayon ay panahon pa rin na banyaga ang nagpapalusog sa ating mga rekurso at lakas-paggawa, dayong hukbo ang nakabase sa ating lupa, at dayong bapor ang nasa ating mga laot.
Huwag nating isiping hiwalay ang usapin ng mababang estado ng wikang Filipino at mga wikang katutubo natin sa usapin ng opresyon sa mamamayan. Sa katunayan, ang kawalan ng makamasang sistema ng edukasyon na nakabatay sa sariling kalinangan at pangangailangan ay isa sa mga ginagamit upang manatili tayong mangmang, naghihirap, at watak-watak. Ang hindi paggamit ng mga wika ng mamamayan sa mga ahensya ng pamahalaan ang isa sa mga salik na naglalayo sa ating mga kababayan, lalo na ang mga marhinalisadong sektor gaya ng mga kababayan nating mahihirap at may kapansanan, sa kanilang mga karapatan tulad ng kalusugan at hustisya. Ang pagpapatahimik sa mga wika ng mga Pilipino ay kapantay ng pagtatakip ng gubyerno sa mga karaingan ng mga Pilipino.
Kaya inuudyok ko tayong lahat dito sa Kongreso na tunay na tumindig para sa wikang Filipino at mga katutubong wika ng mga Pilipino. Maaari nating simulan sa 2020 budget. Huwag tayong magpatali sa kakarampot na pondo na pinanukala sa atin at dagdagan ang pondo para sa mga wikang sariling atin, partikular para sa implementasyon ng Filipino Sign Language Act, para sa Komisyon sa Wikang Filipino at programa ng DepEd at iba pang mga ahensya sa ilalim ng FSL Act.
Ikalawa ay pinapanukala ko na magkaroon ng aktibong partisipasyon ang Kamarang ito sa komprehensibong pagtatasa at pagrerepaso ng mga polisiyang may kaugnayan sa wika, lalo na sa edukasyon, kalusugan, hudikatura, at mga batayang serbisyo.
Ikatlo ay inuudyok ko ang kagyat na pagtalakay at pagpasa ng mga batas na kabilang ang aming Panukalang Batas Bilang 223 o na naglalayong itakda ang hindi bababa sa siyam na yunit na asignaturang Filipino at tatlong yunit ng asignaturang Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo.
Iyon lamang po, Ginoong Ispiker at mga kamambabatas, at maraming salamat.
— ACT Teachers Partylist Rep. France Castro (isa sa mga awtor ng House Bill 223 o Filipino at Panitikan sa Kolehiyo)