Ipinapahayag ng Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (TANGGOL WIKA) ang nagkakaisang paninindigan para sa agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism Bill, sa pamamagitan ng posisyong papel na ito. Nakabatay ang nasabing paninindigan sa mga sumusunod na pangunahing punto:
UNA, sa panahon ng pandemya, pangangalaga sa kalusugan at kabuhayan ng sambayanan ang dapat na bigyang-prayoridad ng gobyerno, lalo na at 15,150 pang Pilipino ang kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19 (as of June 4, 2020) at inaasahang aabot na sa 10 milyong manggagawang Pilipino ang mawawalan ng trabaho sa taong ito dahil sa impact ng pandemya, ayon mismo sa pagtataya ng Department of Labor and Employment.
IKALAWA, walang sapat na proteksyon laban sa mga abusado ang panukalang batas kontra-terorismo dahil inaalis na nito ang probisyon sa lumang batas na nagtatakda ng 500,000 piso kada araw na kompensasyon o bayaring danyos sa sinumang ikulong sa paratang na terorismo, na mapatunayang walang sala.
IKATLO, sa esensya ay pagbaligtad sa kinikilalang unibersal na prinsipyong legal na ang lahat ay inosente hanggang mapatunayang maysala, ang kabuuan ng Anti-Terrorism Bill na nagbibigay-kapangyarihan sa mga awtoridad na ipagbawal at ideklarang terorista ang isang grupo o indibidwal kahit wala pang pagdinig o hearing.
IKAAPAT, sa konteksto ng 6,600 tokhang/ekstrahudisyal na pamamaslang (mula 2016-2019 sa opisyal na estadistika) at sa serye ng mga dokumentadong malalalang paglabag ng mga awtoridad sa karapatang pantao mula noon hanggang ngayon – gaya sa kaso ng maling bintang ng “rebelyon at iba pang krimen” kay Amado V. Hernandez, manunulat, lider-manggagawa at malao’y Pambansang Alagad ng Sining, na ikinulong ng 6 na taon bago napawalang-sala (detalye sa desisyon ng Korte Suprema noong May 30, 1964 sa G.R. No. L-6025), pagdukot, ilegal na pagkulong, at pagtortyur kina Raymond Manalo at Reynaldo Manalo (detalye sa desisyon ng Korte Suprema noong October 7, 2008 sa G.R. No. 180906), pagdukot at ilegal na pagkulong kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño (detalye sa hatol ng Malolos Regional Trial Court Branch 15 noong September 17, 2018), napatunayang maling bintang ng terorismo kay Edgar Candule na halos 8 buwang ikinulong bago napawalang-sala (detalye sa report ng midya at sa ulat ng Asian Legal Resource Center sa United Nations Committee Against Torture noong 2009), 11 buwan ilegal na pagkulong kay Rolly Panesa (detalye sa hatol ng Special 13th Division ng Court of Appeals noong July 5, 2019, sa Case No. SP – 157740), at pagpaslang kay Kian de los Santos (detalye sa hatol ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 125 noong November 29, 2018) – malinaw na ang anumang karagdagang paghihigpit sa batas kontra-terorismo ay maaaring gamitin pa sa pagsikil sa karapatan ng mga mamamayan.
IKALIMA, gaya ng ipinapahayag at idinedetalye sa Report of the United Nations High Commissioner for Human Rights on the situation of human rights in the Philippines na inilabas noong June 4, 2020, lalo pang lumala at dumami ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa sa mga nakaraang taon at buwan, kabilang na ang maraming kaso ng pananakot, pagbabanta, at mali at mapanganib na pagbansag na “komunista” o “terorista” sa mga organisasyong legal at/o mga aktibista – bagay na lalo lamang lalala kung maisabatas ang mas mapanikil na Anti-Terrorism Bill na wala nang pagsasaalang-alang kahit sa minimum na due process na karaniwan sa mga bansang nagsasabing sila’y demokratiko.
IKAANIM, sa panitikan man o sa totoong buhay, hindi magkakaroon ng mga Simoun at Matanglawin kung walang mga inhustisya, kung walang nang-aapi at nagsasamantala.
IKAPITO, pinatunayan na sa karanasan ng maraming bansa na hindi kamay na bakal kundi mapagkalinga at makatarungang pagsasaalang-alang sa karapatan at kapakanan ng mga mamamayan ang tanging mabisang panlaban sa mga ugat ng terorismo – mga dakilang adhikang sinasandigan at maituturing ngang panulukang bato ng ating republika, sa konteksto ng Konstitusyong 1987 na, sa kabila ng ilang limitasyon, ay maituturing pa rin na isa sa mga konstitusyong pinakamalawak at pinakamalalim ang pagpapahalaga sa karapatang sibil, karapatang pantao, at konsepto ng katarungang panlipunan.
Sa ganitong diwa, binibigyang-diin ng TANGGOL WIKA ang marubdob na paninindigan para sa agarang pagbabasura ng Anti-Terrorism Bill.
PINAGTIBAY ngayong 06 Hunyo 2020.