Balagtasan: Nararapat Bang Isabatas ang Anti-Terror Bill at Ipatupad sa Pilipinas? (ambagang tugma nina Frank G. Rivera, Nestor Lucena, Harold Barroquillo, Danilo C. Diaz, Egor Aya at Joel Costa Malabanan)

aNote: Inirerepost natin ito sa pahintulot ng pangunahing may-akda na si Prop. Joel Costa Malabanan. Maaari itong gamiting materyal-panturo basta’t may akmang citation at/o pagbanggit sa mga may-akda. Iniimbitahan ang mambabasa na basahin din ang Posisyong Papel ng Tanggol Wika sa Anti-Terrorism Bill.

Balagtasan: Nararapat Bang Isabatas ang Anti-Terror Bill at Ipatupad sa Pilipinas? (ambagang tugma nina Frank G. Rivera, Nestor Lucena, Harold Barroquillo, Danilo C. Diaz, Egor Aya at Joel Costa Malabanan)

Lakandiwa: Habang hindi pa malaya sa bilibid nitong Covid
Sambayana’y nagdurusa sa malaong pagkapiit
Ang Mass Testing ay alamat, virus di pa naampat
Patuloy nadadagdagan, ang maysakit na nagkalat!

Marami na ang pumanaw at pangarap na nalusaw
Marami ring nagugutom, ang pag-asa’y di matanaw!
Ang ayuda, hindi sapat, iba nama’y kinulimbat
Hanapbuhay ay nahinto, kaya ang masa ay salat!

At ngayon nga’y kontra-tiyempo, yaong utos ng pangulo
Na itong Anti-terror Bill, madaliin sa kongreso
Habang doon sa senado, matagal nang aprubado
Ngunit marami ang tutol, at hindi pa kumbinsido!

Kaya’t ang paksa po natin, na ngayon ay hihimayin
Ang House Bill 6875 makatwiran bang tanggapin?
Ang Human Security Act, papalitan, babaguhin
At itong Anti-Terror Bill, ang siyang bagong batas natin!

Jose Luis Martin Gascon, Lakandiwang naatasan
Tanggapan po ng CHR yaong aking pinagmulan
At ngayon po’y naririto, ang dal’wang magtatagisan
Gamit ang Social Distancing, alayan ng palakpakan!

Jocson: Bing Jocson po ang pangalan, Cavite ang lalawigan
Palaging ang iniisip, kapakanan nitong bayan
Malawak ang karanasan, bilang alagad ng batas
Mga rebelde’t kriminal, sa bala ko’y mauutas!

Suportado ko nang lubos, itong Anti-Terror Bill
Pagkat ito ang solusyon, sa terorismo’y pipigil!

Laia: Mula sa UP Diliman, Laia Tibak po ang ngalan
Ang panig ay katarungan, pagkat Iskolar ng Bayan
Sa’ kin ang Anti-Terror Bill, ang ambag ay panggigil
Instrumentong mapaniil, nararapat na mapigil!

Lakandiwa: Ngayo’y atin nang simulan, ang salpukan ng katwiran
Sambayanang nakikinig, sana ay may matutunan
Ngunit bago po ang lahat, muli’y aking kahilingan
Buong lakas na ibigay, masigabong palakpakan

Jocson: Sapagkat ang terorismo, may bitbit na kamatayan
Kumakalat nang mabilis, nararapat na agapan
Hindi lang sa Pilipinas, kundi sa sandaigdigan
Upang ganap na matamo, tunay na kapayapaan!

Ngunit hanggang naririyan, walang pusong Abu Sayaff
MILF at NPA, nagwawasak ng pangarap
Tingnan mo nga ang Marawi, ang Maute ang nagwasak
Walang payapang magdamag, kung terorista’y nagkalat!

Laia: Narito at di pa tapos ang banta ng COVID-19
Ngayo’y naglalatag kayo: panibagong suliranin
Bakit hindi ang harapin, ayuda sa mahihirap
Makakain, hanapbuhay at pamamahagi ng SAP!

Lumilitaw, ang motibo ay para lang mapagtakpan
Kapalpakan ng gobyerno at mga katiwalian!

Jocson: Terorismo’y nagaganap nang biglaan at marahas
Kaya kahit may pandemya dapat mabuo ang batas
Ang gobyerno ay patuloy sa pagdamay sa mahirap
Kakasuhan ang sinumang ibinubulsa ang SAP!

Ang House Bill 6875 ay di dapat patagalin
Tama lamang na ito ay isabatas, madaliin

Laia: Madaliin ang pagpigil sa kritiko ng gobyerno
Aktibismo kailan man ay iba sa terorismo
Ang inyong Anti-Terror Bill ay pangil sa panunupil
Karapata’y inaagaw, kalayaa’y sinisikil!

Jocson: Sinisikil ang maitim na balak ng terorista
At di naman pinipigil gawain ng aktibista
Ngunit kung may karahasan at may dala-dalang armas
Iyan ang nais pigilan nitong panukalang batas!

Laia: Batas para supilin ang karapatang magpahayag                                                      Ang Bill of Rights ay malinaw, kapag ganyan malalabag
Sa ECQ, ay abswelto, pag Heneral ang sumuway
Ngunit kulong naman agad, pag mahirap, isang tambay!

Sino ba ang terorista, ano ba ang terorismo?
Ang House Bill 6875, instrumento ng pasismo!
Diktadurya ang motibo, ipatupad ang Martial Law
At ang pinagsisillbihan ay kapritso ng pangulo!

Jocson: Huwag na huwag mong akusahan, itong mahal na pangulo
Pagkat siya’y minamahal nitong mga Pilipino

Laia: Tanging ang mga nalinlang, panatikong tagasunod
Mga trolls na DDS, sa fake news ay nalulunod

Jocson: Nalunod sa lumang dogma kayong mga aktibista
Kapag humawak ng baril, ay nagiging terorista

Laia: Ang militar at ang pulis ang tunay na terorista
Private army kung umasta, tuta ng oligarkiya

Jocson: Oligarkiya’y kinalaban nitong mahal na pangulo
Upang maipagtanggol ang sambayanang Pilipino!

Laia: Pinakulong ang kritiko, ipinasara ang Channel 2                                                                Kitang-kita na diktador, lumang-luma ang estilo!

Jocson: Ang NTC ang nag-utos, inosente ang pangulo
Nagwakas na ang prangkisa ng paboritong channel mo!

Laia: Pagkat utos ng pangulo, gaya ng Anti-Terror Bill
Ang layunin ay tiyaking kritiko niya’y masusupil

Jocson: Kayong mga aktibista, sarado ang pang-unawa
Kahit sino ang pangulo, palagi nang kayo’y kontra

Laia: Kami’y sadyang kumukontra pag may mali sa sistema

Jocson: Kayong mga komunista’y kalaban ng demokrasya

Laia: Kayong mga mambabatas, ang kalaban nitong masa!

Lakandiwa: Cease fire muna!, cease fire muna! kayong dal’wa ay kumalma                          Mahinahong talakayan dapat ninyong ipakita!
Iwasan ang akusasyon, pasaring sa isa’t isa
Bagkos linawin ang puntong kaugnay ng ating paksa!

Magalang na ilatag ang punto nitong argumento
Salagin ang mga ulos na kalasag ay totoo
Magbabalik silang dal’wa, madlang ngayo’y nakikinig
Masaganang palakpakan, muli ay ating ihatid!

Laia: Daming mga katutubong malaon nang walang tinig
Kababayang nasa sulok doon lamang ipiniit
Karapatan, angking yaman agad-agad kinakabig
Niyurakan ang dignidad bubusalan pa ang bibig

At ang mga Lumad noon pa mang nakaraan
Gusto lamang na matuto, sinunog ang paaralan
Guro at mga ninuno kaagad pinagbintangan
Kahit noong wala pang batas na pinanghahawakan.

Kung may Anti-Terror Law, mas lalala itong takot
Magagamit itong bala sa kahit sinong kumibot
Tayong mga Pilipino sa Panahon nitong salot
Lalo’t lalong maiipit sa maliit nating sulok.

House Bill 6875 dapat lamang na tutulan
Karaniwang mamamayan wala ritong pakinabang
Huwag nating pabayaang lalo pa ngang madagdagan
Ang walang silbing kamao ng ating pamahalaan.

Jocson: Terorismo yaong tawag sa pagpaslang, panggugulo
Pambobomba, panununog, pagkalaban sa gobyerno
Ngunit yaong mga welga, at mga kilos-protesta
Di kasali basta’t tiyak na gagawing mapayapa!

Kaya bakit matatakot, kung mabuti yaong balak?
Anong dapat ipangamba, hindi ka mapapahamak
Ang House Bill 6875 ay tulad din sa ibang bansa
Sa Europa, Amerika’t maraming bansa sa Asya.

Magamot man itong Covid tayo’y di matatahimik
Kung ang mga terorista’y tuloy sa panliligalig
Abu Sayaff nangingidnap, ang NPA nang-aambush
Pambobomba at pagpaslang, hindi matatapos-tapos!

Ngunit sa Anti-Terror Law, terorista’y walang takas
Maligayang oras nila ay tiyak na magwawakas!

Laia: Wakas na nga itong layang bumatikos at pumuna
Militar ay malikhaing magtanim ng ebidensya
Sa dami ng mga pulis na mabilis kung pumatay
Kahit sino’y terorista pag napagkamalang tunay!

Jocson: Sampung taong ikukulong bawat magkamaling pulis
Akusado’y mabibigyan ng patas na paglilitis

Laia: Hindi patas ang makulong ng labing-apat na araw
Kahit wala namang kasong malinaw na ipapataw

Jocson: Hindi basta huhulihin, kung wala namang basehan
May sapat na surveillance bawat pinaghinalaan

Laia: Malaganap ang red-tagging gayong wala pa ang batas
Kahit simpleng aktibista kapag nahuli ay utas

Jocson: Kayong mga aktibista ang tanging kinakabahan
Kung batas ay mabasbasan, ipatupad sa lipunan;
Matitigil ang batikos, tinik sa pamahalaan
Ang pagharang at pagkontra, sa planong pangkaunlaran.

Kaya nga di mapatupad ang ganap na kaayusan
Dahil sa mga tulisang nagkalat sa kabundukan
Kayong nasa kalunsuran, fb, twitter, at instagram
Takot na ban a makulong sa posts na walang batayan?

Laia: Sa walang hanggang patayan, sinong ‘di mabubusalan?
Kung kaunting kritisismo, posible kang paglamayan?
Kaming naglalakas-loob, hindi natatanging bilang
Ang iba ay lumalaban, sining ang tanging paraan!

At ang tunay na tulisan, ay wala sa kabundukan
Narito sa kalunsuran, malayang nag-uumpukan
Kahit may social distancing, dikit-dikit ang luklukan
“Patahimikin ang masa, lusawin ang karapatan!”

Jocson: Ang Human Security Act ay inayos pinatapang
Upang mga terorista, mapigilan, mahadlangan
Hindi mga mamamayan, target ng pamahalaan
Kundi masasamang loob, Pinoy man o dayuhan!

Upang hindi maabuso, magamit sa pangigigipit
UN Security Council, padron na siyang ginamit
Ang surveillance ng PNP ay aprubado ng Korte
Mababatid ng CHR, ang sinumang mahuhuli!

Laia: Kahit hindi aktibista tiyak na mayroong kaba
Baka kapag hinuli na ay saka pa mahawa;
Pagkat nang dahil sa COVID marami nang ‘pinagkait
Pagkadikit-dikit natin ba ay pinupunit?

Kung laban sa pananakot ako ay dati nang takot
Dahil pera’y kakarampot ay kaydaling ipadampot.
Narito pa’ itong salot at wala pa ang panturok
Bakit ngayon kontra-takot ang siyang nais ipanggamot?

Jocson: Anti-Terror Bill ang gamot sa mas malala pang sakit
Kayong mga militante, nais itong ipagkait?
Kung talagang mantra ninyo, sambayana’y paglingkuran
Sa halip na katakutan, gobyerno ay suportahan!

Yaong CPP-NPA, kausapin, pasukuin
MILF, MNLF sa bundok ay pababain
Bansang nagkawatak-watak ay ating pagkaisahin
Terrorismo at ang Covid, sabay nating susugpuin!

Laia: Yaong mga sinabi mo, kung pakinggan ay masarap
Ngunit pawang ilusyon lang at matayog na pangarap
Ang dahilan ng rebelyon ay ang mismong gobyerno rin
Nagpapatuta sa dayo’t sa kapangyarihan ay sakim!

Ang kailangan ay tulong, ngunit ang tugon ay kulong
Sa halip serbisyong medikal, Terror Bill ang ‘sinusulong!
Kung ang ilog sasagkaa’y sasandaling mapigilan.
Sinikil na Kalayaa’y raragasang Sambayanan!

Lakandiwa: Waring walang katapusan ang banggaan ng katwiran
Palagay ko’y nanarapat, balagtasan ay wakasan
Ang House Bill 6875 makatwiran bang tanggapin?
Ito ba ang tamang aksyon ngayong merong COVID-19?

Sa ating Saligang Batas, malinaw na nakatala
Kalayaang magpahayag, pasulat o pasalita
Kung ang Anti-Terror Bill, wala namang nilalabag
Tama lamang na tayo ay sumang-ayon at pumayag!

Ngunit isang katanungan, bakit ito uunahin?
Gayong may’rong pandemya pa na nararapat lutasin?
Ang batas ay kalabisan, kung ito ay hindi patas
Lalo pa kung pabor lamang sa mga nakatataas!

Ang dapat na mangibabaw, karapatan nitong tao
Na di dapat saklawan nang naghahari sa gobyerno
Kung layunin nitong Batas ay ang tao ay supilin
Magkaisa tayong lahat, upang ito ay pigilin!

Kailangan ng ating bansang labanan ang terorismo
Protektahan yaong buhay nitong mga Pilipino
Kaya’t sakaling ang batas, isulong na ng pangulo
Korte Suprema na lamang, huling magiging husgado!

Ang House Bill 6875 makatwiran bang tanggapin?
Ito ba ang tamang aksyon ngayong merong Covid 19?
Kayo na po ang magsuri, maglatag ng kasagutan
Kasabay nang umaapaw, masigabong palakpakan!

Narito ang kopya ng HB 6875: http://www.congress.gov.ph/legisdocs/first_18/CR00340.pdf

Narito ang kopya ng Saligang Batas: https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/ang-konstitusyon-ng-republika-ng-pilipinas-1987/#karapatang_pantao

Ang larawan ay mula sa : https://news.abs-cbn.com/business/06/05/20/anti-terror-bill-business-group-oppose-in-strongest-possible-terms

Note: Inirerepost natin ito sa pahintulot ng pangunahing may-akda na si Prop. Joel Costa Malabanan. Maaari itong gamiting materyal-panturo basta’t may akmang citation at/o pagbanggit sa mga may-akda. Iniimbitahan ang mambabasa na basahin din ang Posisyong Papel ng Tanggol Wika sa Anti-Terrorism Bill.

20200604-anti-terror-bill-protest-md-28

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s