Pahayag ng Tanggol Wika sa Ika-122 Anibersaryo ng Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas
Nakikiisa ang Tanggol Wika sa paggunita ng sambayanang Pilipino sa pawis, dugo, at buhay na isinakripisyo ng ating mga ninuno upang maisakabalikat ang deklarasyon ng kalayaan ng bansa mula sa kolonyalismong Espanyol, 122 taon na ang nakararaan, at sumusuporta rin sa panawagang pagsasabuhay at pagtatanggol ng ating kalayaan – gaano mang kakatiting ang natira pa – sa panahong ito ng pandemya na naging sanhi ng pagkaratay ng halos 24,000 na nating mga kababayan, pagkamatay ng halos 1,000 Pilipino, at pagkalugmok ng ating ekonomya at kabuhayan ng maraming manggagawa at maralita, habang ang inaatupag ng mga hari-harian ay pagsasabatas ng diumano’y Batas Kontra-Terorismo, sa halip na unahin ang mass testing para makontrol ang pagkalat kundi man tuluyang matuldukan na ang banta ng COVID-19 sa kapuluan at ang pagsasaktuparan ng komprehensibong planong ekonomiko para tulungang makabangong muli ang sambayanan mula sa krisis na ito.
Binibigyang-diin din ng Tanggol Wika ang mariing pagpuna sa mga huwad na porma at pagpapahayag ng nasyonalismo sa panahong ito. Halimbawa, sa panahon ng pandemya, tila wala sa plano ng Senado ang agarang pagsasabatas ng kanilang bersyon ng House Bill No. 6848 o “Free Mass Testing Act of 2020” (hindi nga rin malinaw kung mayroon na silang bersyon nito), ngunit ilang araw ang nakararaan ay nakapaglaan pa sila ng panahon para talakayin ang House Bill 4953 (panukalang batas para gawing Pambansang Bangka ang Balangay – na lusot na sa Kongreso noong Disyembre 2019 pa). SAMANTALA, halos hindi na umusad sa Kongreso ang House Bill 223 (Filipino at Panitikan sa Kolehiyo) na mag-iisang taon nang binuburo ng mga kongresista at wala pa ring nai-fifile na bersyon sa Senado, sa kabila ng pormal na pagsulat natin sa halos lahat ng mga senador.
Ganito kahuwad ang pagtatanghal ng nasyonalismo at kalayaan sa bansang Pilipinas: may pambansang bangka pero walang pagpapahalaga sa mas buhay at dinamikong simbolo at aktwal na daluyan ng nasyonalismo at pagkabansa: SARILING WIKANG PAMBANSA.
Kunsabagay, panahon din ito na halos wala nang pagpapahalaga ang mga hari-harian, sa buhay ng mga ordinaryong mamamayan na bumubuo sa bansang Pilipinas: mula sa mahigit 6,000 mamamayang tinokhang (sa kabila ng malinaw na pagbabawal ng Konstitusyon sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang) hanggang sa mga mamamayang ikinulong dahil nanghihingi ng limos at nagpapahayag ng kagustuhan na makapagtrabaho nang muli para di magutom ang pamilya, o dahil sa pagpapahayag ng pagtututol sa mga di makatarungang patakaran ng gobyerno, hanggang sa mga kababayang OFW na sinusuob ng Estado ng papuring “bagong bayani” pero pinababayaan lamang matulog sa lansangan habang naghihintay ng eroplano pauwi ng kani-kanilang probinsya, at sa isang ginang sa Pasay na nagnais makauwi sa kanyang mga anak sa Bicol, ngunit bago pa makauwi ay namatay pagkatapos maghintay nang limang araw para sa bus na hindi dumating sapagkat walang malinaw na planong pangtransportasyon ang gobyerno.
Hindi nagsakripisyo ng pawis, dugo, at buhay ang ating mga ninuno para lamang habambuhay tayong magpaloko sa mga inutil na pinasusuweldo ng ating buwis.
Kaya, saanman at kailanman, TUNAY NA KALAYAAN, IPAGLABAN!