Nagulantang ang sambayanan sa napakabilis na transmisyon ng di opisyal na resulta (sa kabila ng maraming ulat ng pagkasira ng makina) at sa napakalaking lamang ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (BBM) kay VP Leni Robredo sa eleksyong presidensyal (sa kabila ng napakalaking mga raling kampanya ni Leni sa iba’t ibang panig ng bansa, bukod pa sa napakaraming pag-endorso sa kanya ng mga respetadong grupo at indibidwal at maging ng mga tradisyonal na politikong may mga malalakas na balwarteng lungsod, bayan, at probinsya).
Nananatili ang duda ng marami-raming mamamayan sa resulta, gaya ng pinatutunayan ng kabi-kabilang protesta at mga dokumentadong reklamo kaugnay ng halalan, bukod pa sa dami ng mga hindi nakaboto bunsod ng mga nasirang makina at iba pang kaugnay na problema.
Kaugnay nito, nararapat lamang na bantayan ang opisyal na bilangan at antabayanan din ang resulta ng parallel count na isinasagawa naman ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Anuman ang maging resulta ng opisyal na bilangan, nararapat lamang na magsagawa rin ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad sa kabuuang pagpapatakbo ng halalan sa taong ito, upang hindi na muli maulit ang mga kinaharap na problema sa eleksyong ito.
Dapat ding higit na pagtuunang-pansin ang paglaban at paglalantad sa disimpormasyon – kaugnay ng masamang rekord ng diktadurang mandarambong sa Pilipinas – na nagbigay-daan para maakit at mapaniwala ng kandidatong anak ng diktador at mandarambong ang milyun-milyong botante, sa kabila ng hindi niya pagharap sa mayorya ng mga publikong debate at sa kabila ng kahungkagan ng kanyang politikal na islogan, kumpara sa mga detalyadong programa/plataporma na ipinanukala ng karamihan sa kanyang mga nangungunang karibal sa eleksyon.
Kaugnay nito, ang mga guro ng Filipino at/o Panitikan ay higit na lalong dapat maging mapanuri at malikhain sa pagtalakay ng mga araling pangwika at pampanitikan na lunsaran ng paghubog sa kritikal na pag-iisip ng mga mag-aaral tungo sa mahusay nilang pagkilatis sa kanilang nababasa, napapanood, at napapakinggan lalo na sa YouTube, TikTok at iba pang kahawig na daluyan ng impormasyon. Kailanma’t kakayanin at kung akma sa mga partikular na aralin, dapat bigyang-prayoridad sa mga babasahin at mga panooring gagamitin sa klase ang mga materyal-panturo na sumasagot sa mga kasinungalingan ng mga promotor ng diktadura at ng pagbaluktot sa kasaysayan.
Bilang gabay ng mga estudyante, ang bawat guro ay inaasahang magiging mapanuring taliba ng katotohanan, sa halip na alipin ng kasinungalingan o bulag na tagasamba ng idolong politiko.
Sa mga susunod na araw o linggo, sinuman ang manalo, nararapat natin silang hamunin na tugunan ang mga kagyat na hinaing ng mga mamamayan gaya ng pagpapababa ng presyo ng bilihin, pagkakaroon ng disente/nakabubuhay na sahod, pagpapatigil ng korapsyon, pagtataguyod sa karapatang pantao at mga kalayaang sibil, pagwawakas ng sistemang kontraktwalisasyon, pagkakaroon ng libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat, pagpapababa ng buwis sa kita (income tax), at marami pang iba. Isang mabisang hakbang na makatutulong sa pagtugon sa mga hinaing na ito ang pagtitiyak na ang bagong administrasyon ay magsasalita/magpapahayag/makikipagtalakayan na sa mga mamamayan sa mga wikang sarili ng bayan.
###
12 Mayo 2022]
