Ang napipintong pagkapanalo sa eleksyon ni Ferdinand Marcos, Jr. at Sara Duterte ay magdudulot ng mas masidhing tunggalian sa kaalaman at pedagohiyang pangkasaysayan, pagbubura ng kagimbal-gimbal na personal at kolektibong gunita tungkol sa pandarambong at mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar, at ng walang rendang pagbubuo ng mga mito tungkol sa diumano’y “Ginintuang Panahon” na pinangibabawan ng diktadura ng mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos.
Bilang mga iskolar at akademiko, tumututol kami sa lahat ng porma ng disimpormasyon na tumutungtong sa pag-iimbento, manipulasyon, mapanlinlang na rebranding, at propaganda gamit ang social media at iba pang mga teknolohiyang digital.
Nangangako kaming lalabanan ang lahat ng pagtatangka ng rebisyonismong historikal na nambabaluktot at nagpapalsipika sa kasaysayan para iakma ito sa interes ng dinastiyang Marcos at ng kanilang mga kasapakat, at upang lalo pang patibayin ang kanilang kapit sa kapangyarihan.
Nangangako kaming itataguyod ang integridad at kalayaan ng mga institusyong pang-edukasyon, pangkasaysayan, at pangkultura gaya ng Departamento ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED), Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (NHCP), Pambansang Aklatan ng Pilipinas (NLP), the Pambansang Sinuman ng Pilipinas (NAP), Pambansang Komisyon sa Kultura at Mga Sining (NCCA), at mga publikong unibersidad at kolehiyo (SUCs).
Buong-sigasig naming ipagtatanggol ang karapatan sa malayang pag-iisip, pananaliksik, at pagpapahayag. Tinututulan namin ang lahat ng porma ng sensura at pagbabawal ng anumang aklat. Kinokondena namin ang anumang pagtatangka na bansagang “pulahan” o “komunista” ang mga indibidwal, grupo, at institusyon.
Marubdob naming pinaninindigan ang pagtataguyod ng akademikong kalayaan. Magsisikhay kami sa pagsusulong ng mga akademikong inisyatiba na magpapanatiling buhay sa mga gunita ng pinakamarahas at pinakamalagim na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas, malaya sa tuluy-tuloy na pagtatangka ng pamilyang Marcos at ng kanilang mga tagasuporta na paslangin ang mga ito.
Isasabalikat namin ang preserbasyon ng mga aklat, dokumento, tala, artefakt, arkibo, at iba pang mga materyal na kaugnay ng panahon ng Batas Militar at iba pang aspekto ng rehimeng Marcos (1965-1986). Mapanuri kaming makikilahok sa pagpili, pagsulat, at pagtuturo ng kasaysayan at ng mga teksbuk at iba pang materyal na pang-edukasyon.
Kaming mga nakalagda sa manipestong ito’y nananawagan sa mga kapwa iskolar at akademiko sa ating bansa at sa ibayong dagat, na maglunsad ng lahat ng uri ng gawain na magtitiyak na ang mga historikal at kolektibong gunitang ito ay makaaabot sa mas maraming mga mamamayan at hinding-hindi mawawala kailanman.
(salin ni D.M.M. San Juan ng Manifesto in Defense of Historical Truth and Academic Freedom)
Mga Nagpasimula:
Oscar Campomanes (Ateneo de Manila University)
Nicole CuUnjieng (University of Cambridge)
Francis Gealogo (Ateneo de Manila University)
Ramon Guillermo (University of the Philippines)
Caroline Hau (Kyoto University)
Jayson Lamchek (Deakin University)
Vina Lanzona (University of Hawaii at Manoa)
Carlos Piocos III (De La Salle University)
Lulu Torres Reyes (University of Santo Tomas)
