Nagkakaisang Pahayag ng Mga Organisasyon at Departamento Laban sa Pangreredtag ng Tatlong Host ng SMNI sa Mga May-Akda ng Mga Aklat na Nilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Nagkakaisang Pahayag ng Mga Organisasyon at Departamento Laban sa Pangreredtag ng Tatlong Host ng SMNI sa Mga May-Akda ng Mga Aklat na Nilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)

Kami ay mga organisasyon at/o mga departamentong pangwika, pampanitikan, pangkultura, at pang-edukasyon na nagkakaisa sa mariing pagkondena sa panreredtag (pagbabansag na “pulahan” o “komunista”) ng tatlong “host” ng SMNI sa mga aklat at mga awtor ng mga aklat na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), dahil lamang sa diumano’y gumamit ang mga aklat na ito ng mga sangguniang sinulat ng CPP-NPA. Inupload sa YouTube noong 09 Agosto 2022 ang nasabing episode ng pangreredtag sa KWF na eksaktong Buwan ng Wika at Kasaysayan pa man din.

Dinaig pa ng tatlong host ang mga tsismosang “Marites” sa pagbanggit ng mga diumano’y “source” ng impormasyon na tiyak na walang kredibilidad sapagkat walang batayan ang ipinapahayag.

Unang-una, batay sa karanasan ng iba’t ibang awtor, ang mga publikasyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) – gaya ng iba pang prestihiyosong palimbagan – ay dumadaan sa mahabang proseso ng peer review at editing na nagtitiyak ng kahalagahan/kabuluhan at katumpakan ng nilalaman ng mga akdang ito. Bilang isang komisyon na may sariling charter, ang KWF ay may awtonomiya sa operasyon at editoryal na kalayaan.

Hindi dapat pakialaman ng anumang panlabas na elemento ang proseso ng paglilimbag ng aklat ng KWF na matagal nang maayos na gumagana anuman ang limitasyon nito. Lalong hindi dapat isensura o ipagbawal ang pag-iimprenta o distribusyon ng mga aklat ng KWF. Ilang administrasyon na ang dinaanan ng KWF at ngayon lamang nangyaring may mga panlabas na elementong nanggugulo at nakikialam para isensura ang mga proyektong publikasyon ng KWF. Hindi dapat mangyari ito kailanman lalo pa at kulang na kulang nga ang mga aklat na nakasulat sa wikang pambansa.    

Pangalawa, marami sa mga aklat – Filipino man o Ingles – ang tiyak na may mababanggit na citation o sipi mula sa iba’t ibang sanggunian, kasama na yaong mga isinulat ng mga grupong itinuturing ng gobyerno na subersibo o rebolusyunaryo. Ang gayong pag-cite o pagbanggit sa mga sipi na mula sa iba’t ibang sanggunian ay hindi dapat ituring na akto ng pagsang-ayon o pakikisimpatya sa alinmang sinipi kundi bahagi ng tipikal na akademiko at iskolarling proseso ng mapanuring pagsipat sa iba’t ibang sanggunian. Ipagpalagay mang ang aklat ay may pagsang-ayon o pakikisimpatya sa alinmang ideolohiyang politikal, ang ganoong tradisyon ng panulat na may kamalayang panlipunan ay respetado saanman sa mundo at itinuturing na mahalagang elemento sa alinmang bansang sumasandig sa demokrasya.

Mula kay Ka Amado V. Hernandez (“Makata ng Mga Manggagawa” at isa sa mga unang itinanghal na Pambansang Alagad ng Sining) hanggang kay Renato Constantino (makabayang historyador) at marami pang katulad nila, malinaw na bahagi ng ating kasaysayan at dapat patuloy na kilalanin bilang lehitimo at nararapat na tradisyon sa pagsulat ang marubdob na pakikipagkabit-bisig sa mga kilusang panlipunan ng mga manggagawa, magsasaka, mga maralita at iba pang mga mamamayan o mga tinig mula sa ibaba, ayon nga kay Teresita Gimenez Maceda. Sa malayang pagtatagisan ng mga ideya at ideolohiya sa aklat, sa loob at labas ng akademya, masusumpungan ang katotohanang tanglaw sa landas na tatahakin ng madla. Malaya ang sinumang huwag sumang-ayon sa kanila ngunit HINDI maaaring ipagbawal ang kanilang panulat at ang pagbabasa ng kanilang mga isinulat.

Pangatlo, bahagi ng akademikong kalayaan ng mga manunulat, guro, mananaliksik at ng lahat ng mga mamamayan ang pagbabasa, pagsusuri, pagsipat, pag-cite, pagsangguni at paggamit sa KAHIT ANONG BABASAHIN, SINUMAN ANG SUMULAT AT SINUMAN ANG NAGLATHALA.

Ang sinumang hindi sumasang-ayon sa nilalaman ng isang aklat ay hinihikayat na magsulat din ng aklat sa halip na gumawa ng paraan para ipagbawal o kaya’y basta na lamang bansagang “subersibo” ang aklat na gaya ng ginawa ng ilang utak-diktador na Kastilang “subersibo” at “pilibustero” ang turing sa mga nobela ni Jose Rizal at sa sinumang magbasa o kaya’y may-ari ng mga sipi nito. Hindi pa rin ba nakalagpas sa ganoong awtoritaryanismo ang mga anay sa uuga-uga na ngang pundasyon ng ating demokrasya?

Pang-apat, ang mga may-akda ng mga aklat na binanggit at/o ipinakita sa nasabing brodkast ng SMNI (Reuel Aguila, Rommel Rodriguez, Don Pagusara, Malou Jacob, at Dexter Cayanes, bukod pa sa iba pang may-akda ng 17 aklat na hindi inisa-isa sa brodkast) ay pawang mga kilalang manunulat at/o edukador din sa kani-kanilang mga larangan kaya’t ang kanilang mga aklat na nilathala ng KWF ay mga karagdagang ambag sa edukasyong pangmadla, taliwas sa mga walang batayang paratang ng mga “host” ng SMNI.

Panglima, malaking kalapastanganan sa alaala ng mga yumao nang mga iginagalang na manunulat, edukador, at alagad ng sining na gaya nina Alice Guillermo at Bienvenido Lumbera ang pagbabansag sa kanila ng mga host ng SMNI, gayong wala na sila rito para paliwanagan ang SMNI at ang kanilang mga naaabot hinggil sa kanilang mga isinulat. Anu’t anuman, ang kanilang panulat ay matagal nang kinikilala bilang ambag sa mabulas na panitikan at kritisismo sa Pilipinas, kaya’t ang akademyang mainstream at ang Estado mismo’y nagparangal sa kanila noong sila’y nabubuhay pa.

Ang kanilang “subersibong” panulat ay subersibo sa positibong aspekto sapagkat ginigising ang kamalayan ng madla at tinutulungan pukawin ang sambayanan para kumilos tungo sa pagbabago ng lipunan. Sa halip na pagbantaan ang mga nagbabasa sa kanilang mga akda, nararapat pang hikayatin ang madla na patuloy silang basahin at gawing huwaran sa pagsusulat.

Sa diwa ng mga nabanggit na, ipinapanawagan namin sa mga “host” ng SMNI na itigil na ang pangreredtag sa alinmang indibidwal at organisasyon. Agaran silang dapat humingi ng publikong apology sa kanilang mga maling pahayag at pangreredtag. Ipinapanawagan din namin sa SMNI na itigil na ang pagkuha sa mga “host” na pawang paninirampuri at kasinungalingan lamang ang ipinapahayag.

Hinihiling din namin sa pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na imbestigahan at patawan ng karampatang pagdidisiplina ang isang unipormado na kasama sa tatlong “host” ng SMNI na nangreredtag.

Hinihiling din namin sa Senado at Kongreso na malawakang imbestigahan ang nilalaman ng mga programa sa SMNI para pag-aralan kung nararapat pang bigyan ng prangkisa ang ganitong entidad na nagpapakalat ng kasinungalingang nagbabanta pa sa seguridad at buhay ng mga mamamayan. Ang prangkisa sa mga midya ay may kaakibat na responsibilidad gaya ng pagtalima sa mga demokratikong probisyon ng Konstitusyon. Kung ang isang entidad ay nagpapalaganap ng misedukasyon at disimpormasyon sa halip na katotohanan at kung nagpapalaganap ito ng mga maling kaisipan na ginagamit para sagkaaan ang akademikong kalayaan at kalayaan sa malayang pagpapahayag ng maraming indibidwal at organisasyon sa pamamagitan halimbawa ng kampanyang ipagbawal ang pag-iimprenta ng mga partikular na aklat, baka nararapat nang bawiin ang prangkisa nito. Walang puwang sa ating demokratikong bansa para sa mga estasyon ng midya na nanggagatong sa demonisasyon ng mga progresibong organisasyon at indibidwal.

Nananawagan kami sa buong sambayanan na itakwil at hadlangan ang mga mapanganib na elementong nangreredtag – ang mga anay at bukbok sa ating demokrasya.

Itigil ang redtagging!

Igalang at itaguyod ang akademikong kalayaan!

Walang aklat na bawal!

Mga aklat sa wikang sariling atin, hikayatin at paramihin!

Nangreredtag sa ere, tanggalan ng air time!

Nangreredtag na midya, tanggalan ng prangkisa!

~~~

11 Agosto 2022

SIGNATORIES as of 11pm (Aug. 14, 2022)

ACT for Peace

ADMU Kagawaran ng Filipino

Akademiya at Bayan Kontra Disimpormasyon at Dayaan (ABKD)

Aklat Alamid

All UP Academic Employees Union

Alyansa ng mga Panulat na Sumusuong (ALPAS)

Angat Buhay Edukasyon (ABE)

Balangay Productions

Balay Sugidanun

Cavite Young Writers Association

Concerned Artists of the Philippines

Concerned Artists of the Philippines – Bicol Chapter

Concerned Artists of the Philippines-PUP

Dalub-aral na may Ugnayan, Galing, at Organisadong Ningas na Ginagabayan ng Anthropolohiya (DUGONG-Antro)

DLSU-Departamento ng Filipino

DLSU-Department of Literature

FEU Bukluran ng Mag-aaral sa Filipino (FEU BUMAFIL)

FEU Sexuality and Gender Alliance (FEU SAGA)

Filipino Unit, Philippine Science High School-Main Campus

Gantala Press

Kagawaran ng Filipino ng Kolehiyo ng Edukasyon ng Rizal Technological University

Kasingkasing Press

Kataga, Samahan ng mga Manunulat sa Pilipinas, Inc.

KM64 

LIKHAAN: UP Institute of Creative Writing (ICW)

Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA)

Network in Defense of Historical Truth and Academic Freedom

Pagkakaduaan dagiti Ilokano nga Agayat iti Retorika, Lengguahe ken Arte (PAROLA)

Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF)

Pandayan ng Literaturang Pilipino (PANDAYLIPI)

Pandayan sa Wika at Panitikan (PAWIKAN) 

Philippine Studies Network in Australia (PINAS)

Propesyonal na Asosasyon ng mga Tagapagtaguyod ng Salin (PATAS)

PUP Kabataang Tanggol Wika

PUP Sentro sa Araling Pilipino/Center for Philippine Studies

PUP Sentro para sa Malikhaing Pagsulat

Samahan ng mga Dalubguro sa Filipino (SADAFIL)

Samahan ng mga Guro sa Intelektuwalisasyon ng Filipino (SAGIF)

Surian ng Sining (SUSI)

Supling ng Sining, Ink. 

Tanggol Wika

Tanggol Kasaysayan

UP Department of English and Comparative Literature

UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas

UP Sentro ng Wikang Filipino

UPLB Department of Humanities

The list of signatories will be updated from time to time through this post. A copy of this post is also available at www.facebook.com/TANGGOLWIKA

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s