WALANG WIKANG MAIIWAN
Pahayag ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP-DFPP) sa Muling Pagsulong ng Ingles bilang Wikang Panturo
Hulyo 4, 2022
Sa isang multilingguwal at multi-etnik na bansa gaya natin, masalimuot ang usapin sa wikang panturo. Samu’t sari na ang mga mungkahi kaugnay ng epektibo at mabisang paggamit ng wika sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Subalit, walang ibang wika ang pinaka-epektibong magamit bilang wikang panturo kung hindi ang Wikang Filipino.
Mahigpit na nakakawing ang usapin ng wikang panturo sa usapin ng kolonyal na edukasyon sa Pilipinas. Matagal nang pinaniniwalaan, sa dominasyon ng elit, na ang wikang Ingles ang susi sa kaunlaran ng bansa. Sa maagang yugto pa lamang ng pananakop ng mga Amerikano, pinilit na ng mga kolonisador ang paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo. Kaliwa’t kanan ang balitaktakan tungkol sa alin ang epektibong wikang gagamitin sa pagtuturo. Habang patuloy na lumalaban ang mga Pilipino sa ganap at tunay na kalayaan, unti-unting kinasangkapan ang buong sistema ng edukasyon upang lumikha ng kamalayang superyor ang kultura at lipunan, gayundin ang wikang lumalagom sa karanasang Euro-Ango-Amerikano. Higit pa sa pisikal na karahasan ng Digmaang Pilipino-Amerikano ay ang karahasang epistemolohikal na idinulot sa atin ang nasabing edukasyon. Maraming makabayang guro ang hindi nagpatinag sa pandarahas ng mga Amerikano. Hanggang sa ngayon, ating matatalima na ang laban natin para sa wika ay laban din para sa pagpapalaya ng ating kamalayan at sistema ng edukasyon.
Napatunayan sa maraming pag-aaral at malawak na karanasan, ang nakalapat sa realidad na paggamit ng unang wika (mga wika sa rehiyon), sa maagang bahagi ng pormal na edukasyon, ang ugat ng isang masigla, malawak, at mapag-ugnay na paggamit ng wikang pambansa, ang wikang Filipino. Katangian ng wikang Filipino, alinsunod sa Saligang Batas ng 1987, na mapagyaman pa ang pambansang wika gamit ang mga wika sa Pilipinas. Sa patuloy na pag-iral ng mga wika sa Pilipinas bilang wikang panturo, napasisigla nito ang wikang Filipino. Kung nanaisin nating maging masigla at nakaaayon ang wikang Filipino sa pagbabago ng panahon, pasiglahin din natin ang mga wika ng rehiyon sa bansa.
Dapat at marapat na wikang Filipino ang pangunahing wikang panturo sa mga paaralan ng bansa. Mas matututuhan ng mag-aaral at kababayan natin ang pagkakaiba ng katotohanan at makaisang panig na opinyon, ang katotohanan sa likod ng kasaysayan, at sandata laban sa mga huwad na balita kapag ating gagamitin ang wikang Filipino. Hindi sukatan ang pagiging bihasa sa wikang Ingles upang masabing edukado at magkaroon ng mas magandang kinabukasan ang bawat isa. Sa mga Unibersidad gaya ng UP, isang malalim nang balon ng akademikong larangan at kaalaman ang pag-aaral sa wikang pambansa, ang wikang Pilipino.
Hinihimok ng UP DFPP ang lahat ng mga departamento ng Filipino sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad na magkaisa upang mas malakas nating ihayag ang pagtutol sa panukalang pagpapalakas ng wikang Ingles bilang wikang panturo.
