Ipinapahayag ng Departamento ng Filipino ng De La Salle University-Manila ang mariing hindi pagsang-ayon sa idineklarang bagong patakarang pangwika ng ikalawang administrasyong Marcos na malinaw na higit na nagbibigay ng sentral na papel sa Ingles bilang pangunahin, kundi man tanging wikang panturo sa Pilipinas.
Ang aming nagkakaisang paninindigan ay nakabatay sa mga sumusunod na punto:
Una, dapat nang ihinto ang anumang pambansang patakaran na mistulang pagbebenta sa mga Pilipino na parang produkto sa ibang bansa, at ang alinmang patakarang pangwika na naglalayong mag-ambag pa sa gayong komodipikasyon.
Ikalawa, mula 1906 ay nangingibabaw nang wikang panturo ang Ingles, at kahit sa mga nakaraang taon na may Mother Tongue Based-Multilingual Education (MTB-MLE) ay may pagkiling pa rin sa Ingles bilang wikang panturo ang marami-raming paaralan (lalo na ang mga pribado), at ang halos lahat ng batas, desisyon ng mga korte, at mga dokumento ng Palasyo ay pawang nasa Ingles din – kaya’t ano pa kayang pagpapalakas sa Ingles sa edukasyon ang gustong ipatupad ng kasalukuyang administrasyon? Ano pa ang kulang sa katotohanang higit na mahalaga ang Ingles noon pa man hanggang sa kasalukuyan sa larangan ng edukasyon at pamahalaan?
Ikatlo, sa Artikulo XIV, Seksyon 6-7 ng Konstitusyon na ang wikang pambansa at mga wikang rehiyonal (at HINDI Ingles, na inaasahan ng mga nagbalangkas ng Saligang Batas na malao’y aalisin na ng Kongreso bilang pangalawang opisyal na wika habang mas ginagamit na at nalilinang pa ang mga wikang sarili) ang dapat na isinusulong at itinataguyod ng buong pamahalaan: “Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino…Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon. Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehiyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehiyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon.”
Ikaapat, walang patutunguhan at pagsasayang lamang ng pera ang anumang tangkang patuloy na ipataw ang Ingles bilang tanging wikang panturo dahil ang mga naunang pagtatangka gaya ng Executive Order No. 210 ng administrasyong Macapagal-Arroyo ay pawang nasa basurahan na ng kasaysayan dahil hindi akma sa realidad ng bansa na mas kaunti pa sa 0.1% ng mga sambahayan (household) ang gumagamit ng Ingles sa tahanan.
Ikalima, walang batayan ang anumang pagpapalagay na ang pagsasalita ng Ingles ay katumbas ng pagiging matalino. Sa konteksto ng Pilipinas, wikang sarili ang tunay na wika ng karunungan kaya’t ang Filipino ang dapat na maging wikang panturo, wika ng pananaliksik, at wika ng opisyal na komunikasyon, sapagkat sa wikang ito ay mas naipauunawa sa mga mag-aaral ang mga disiplina, at mas nagkakaunawaan dito ang masang Pilipino kaugnay ng mga isyung panlipunan, bagay na hindi magagawa sa wikang Ingles.
Ikaanim, batay sa opisyal na tala at pagsusuri ng PISA 2018 hinggil sa Pilipinas, bukod pa sa realidad na “ang pondo para sa bawat estudyante sa Pilipinas ang pinakamaliit sa lahat ng bansa/ekonomiyang kalahok sa PISA…Humigit-kumulang 94% ng mga estudyanteng edad 15 sa Pilipinas ang nagsasalita sa tahanan ng wika na iba sa wika ng test (walang iba kundi, Ingles),” kaya’t malinaw na ang pagpupumilit na gamitin bilang wikang panturo ang wikang dayuhan na sapilitang ipinataw ng mga kolonisador ang isa sa mga dahilan ng pagiging “kulelat” ng bansa sa PISA 2018, TIMSS 2019 International Results in Mathematics and Science, at iba pang mga internasyonal na estandardisadong eksamen.
Ikapito, ang datos mismo ng Departamento ng Edukasyon sa mga resulta ng National Achievement Test (NAT) ang nagpapatunay na sa halos lahat ng taon, laging mas mataas ang mean percentage score (MPS) ng mga estudyante sa Filipino kaysa Ingles kaya’t malinaw rin kung aling wika ang lohikal na higit na epektibong wikang panturo: ang mga wikang sarili – at HINDI ang alinmang wikang dayuhan – ang likas na daluyan ng pagpupunla ng binhi ng pagpapahalaga sa sariling kultura, pag-unawa sa sariling kasaysayan, at pagmamahal sa sariling bansa.
Ikawalo, sa panahon ng krisis, katulad ng pandemyang COVID-19, muli tayong pinaalalahanan na ang global na senaryo ay kailangan ng lokal na pagkilos para epektibong makatugon. Behikulo ang wikang Filipino ng gobyerno para gabayan ang sambayanan na maunawaan ang global na problema (pandemya, seguridad sa pagkain, pagbabago ng klima atbp.), upang sama-samang kumilos para lahat tayo ay manatiling buhay. Anuman ang sitwasyon ng bansa, damay-damay tayong lahat upang makaahon o tuluyang lumubog.
Ikasiyam, sa halip na hungkag na deklarasyon ng maka-Ingles na patakarang pangwika, ang pagbubuhos ng karagdagang pondo para mapawi ang lahat ng kakulangan sa resorses (kasama na ang mga de-kalidad na materyal-panturo), tauhan, at pasilidad, at ang pagbibigay ng mas mataas na pagpapahalaga sa pagsisikhay ng mga guro sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga sahod, ang higit na makalulutas sa mga kahinaan ng sistemang pang-edukasyon.
Ikasampu, gaya ng adbokasi ni San Juan Bautista De La Salle – ang patron ng mga guro, tagapagtatag ng ordeng Lasalyano, at isa sa mga tagapagpasimula ng paggamit ng mother tongue sa edukasyon sa Europa – at tulad ng sinasabi sa marami nang pananaliksik, higit na mabilis ang pagkatuto ng mga mag-aaral sa wikang sarili at ang matatag na pundasyon sa wikang sarili ang siya ring matatag na lunsaran ng epektibong pag-aaral ng iba pang wika.
Sa diwa ng lahat ng nabanggit na, narito ang buod ng aming mga panawagan:
Pondo sa edukasyon, dagdagan! Sahod ng mga guro, taasan!
MTB-MLE, palakasin!
Wikang Filipino bilang wikang panturo, gamitin at palakasin!
House Bill 564, isabatas: Filipino at Panitikan, sa kolehiyo, panindigan!
[Unang inilabas sa Facebook page ng Departamento ng Filipino ng DLSU noong 09 Hulyo 2022: https://www.facebook.com/dlsufilipino ]
Link sa mga kaugnay na babasahin:
Albert, Jose Ramon et al. (2021). We need to invest more in learners, learners, learners!. https://pidswebs.pids.gov.ph/CDN/PUBLICATIONS/pidspn2105.pdf
Besa, Filippo. (2018). PISA 2018 Country Note: Philippines. https://www.oecd.org/pisa/publications/PISA2018_CN_PHL.pdf
Castro, France et al. (2022). House Bill 564 [Batas na Nagtatakda ng Hindi Bababa sa Siyam (9) na Yunit ng Asignaturang Filipino at Tatlong (3) Yunit ng Asignaturang Panitikan sa Kurikulum ng Kolehiyo]. https://tanggolwika.org/2022/07/03/mahahalagang-dokumento-sa-kasaysayan-ng-wikang-pambansa/
Demeterio, Feorillo. (2012). Sistematikong Multilingguwalismo: Lunsaran ng Mas Matatag na Wikang Pambansa. https://ejournals.ph/article.php?id=8013
Dreisbach, Jeconiah Louis at Sharon Mendoza Dreisbach. (2021). Unity in Adversity: Multilingual Crisis Translation and Emergency Linguistics in the COVID-19 Pandemic. https://openpublichealthjournal.com/VOLUME/14/PAGE/94/FULLTEXT/
Malone, Susan. (2018). MTB MLE RESOURCE KIT: Including the Excluded: Promoting Multilingual Education (Booklet for Policy Makers). United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization/UNESCO. https://unesdoc.unesco.org/ark:/48223/pf0000246278
Monje, Jennifer et al. (2020). ‘Starting where the children are’: A process evaluation of the MTB-MLE implementation in the Philippines. Philippine Institute for Development Studies. https://pidswebs.pids.gov.ph/CDN/EVENTS/20200213_mtb-mle_pe_pids_public_seminar.pdf
Pambansang Komite sa Wika at Salin/National Committee on Language and Translation/NCLT. (2005). Kartilya ng Wikang Filipino bilang Wika sa Edukasyon/Primer on Filipino Language as a Language of Education. https://tanggolwika.org/2022/07/03/mahahalagang-dokumento-sa-kasaysayan-ng-wikang-pambansa/
Reyes, Celia et al. (2019). The Philippines’ Voluntary National Review on the Sustainable Development Goals. Philippine Institute for Development Studies. https://think-asia.org/bitstream/handle/11540/11359/pidsdps1910.pdf?sequence=1
San Juan, David Michael M. (2022). What is The Best Medium of Instruction for Philippine Schools?. https://www.researchgate.net/publication/361738550_What_is_The_Best_Medium_of_Instruction_for_Philippine_Schools
_______________________. (2014). Pambansang Salbabida at Kadena ng Dependensiya: Isang Kritikal na Pagsusuri sa Labor Export Policy (LEP) ng Pilipinas. https://ejournals.ph/article.php?id=8066
_______________________. (2014). Debunking PH language myths. https://opinion.inquirer.net/77526/debunking-ph-language-myths
Tanggol Wika et al. (2022). Posisyong Papel ng Tanggol Wika, PSLLF, at PATAS hinggil sa Pagrerebyu ng K to 12, MTB-MLE At Iba Pang Kaugnay na Polisiya. https://tanggolwika.org/2021/03/19/posisyong-papel-ng-tanggol-wika-psllf-at-patas-hinggil-sa-pagrerebyu-ng-k-to-12-mtb-mle-at-iba-pang-kaugnay-na-polisiya/
