sana’y di na magsalubong ang aming landas
sa bangketa man ng Raon at Avenida
sa hapag-kainan o kalsada,
saanmang bulwagan at sangandaan ng kasaysayan,
sa batasan ng mga kawatan,
sa Palasyong pusalian,
at saanmang liwasan,
ayoko nang makita ang mga putang’na!
ayoko na silang makita
silang nagpapanggap na mabuti ang layon
sa panahon ng eleksyon
silang nangalandakan ng pagkalinga sa masa
silang pambansang pagbabago ang ninasa
silang noo’y nanghihingi ng ating suporta sa balota
pero ngayong nakaamoy
ng limpak-limpak na kuwarta
lahat-lahat ng pagpapanggap ay ibinasura
lahat-lahat ng prinsipyo ay itinapon
lahat-lahat ng kabutihan ay itinakwil
lahat-lahat ng kunwang talino ay binura
naging tagapagtaguyod na
ng inhustisya’t pagsasamantala
sa balintuna’t inuuod na sistema
arogante na kung magsiporma
akala mundo’y kanila na
gayong lalamunin din sila ng lupa
o sa krematoryo’y gawing abo na.
ayoko nang makita ang mga putang’na
ano pa ang karapatan nila
kundi bolahin na lamang ang masa?
magkunwaring may paninindigan pa
umastang prinsipyo’y di lumuluhod sa pera?
ang mga putang’na
ngayo’y mandurugas pa
tindero ng kasinungalingan
sa palengke ng lipunan
para makapanlinlang
sa busabos na masang sambayanan
bentador pa ng pambansang kapakanan
sa pasilyo ng kapangyarihan
magkamal lamang ng grasya’t yaman
kahit mabuhay sa kahihiyan.
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Hindi man lang nagpanggap na may demokrasya
Hindi man lang nagpanggap na makikinig talaga sa masang tumututol
sa napipintong pandarambong ng kontribusyon at pensyon
Hindi man lang nagpanggap na ikokonsidera ang pagsusuri ng mga ekonomistang nagkakaisa sa hatol: tama ang sambayanan, ang Maharlika Fund ay hindi kailangan, maraming butas ang panukalang batas.
Hindi man lang nagpanggap na may bisa ang higit limampung libong pirma sa petisyong kontra sa bagong pandarambong.
Hindi man lang nagpanggap na ang protesta sa lansangan ng mga mamamayan ay galit na makatwiran at dapat pakinggan.
Hindi man lang nagpanggap na ang Pilipinas ay republika,
Ang Kapulungan ng Mga Kinatawan pala’y alipin ng hari-hariang monarka.
Ayoko nang makita ang mga putang’na
silang mga bibig ay namantikaan
Batas na hunghang ay niratsada
Tatlong tulog lang ang nilaan sa batasan
Mula nang ihain ang kahunghangan
Bagong panghuhuthot ng mga dati nang manghuhuthot
Bagong panghuhuthot ng mga lumang dinastiya
Bagong panghuhuthot ng mga dati nang burukrata
Bagong panghuhuthot ng mga kasapakat na korporasyon
Bagong panghuhuthot ng mga dambuhalang negosyanteng kaisiping nila
sa kama ng karangyaan
sa gitna ng gutom na sambayanang nagkakandakuba sa pagkayod
para palamunin ang mga pamilyang manghuhuthot
piging at lakwatsa ang inaatupag
eroplanong pinondohan ng bayan ay ginawang personal na sasakyan
Luho, kapritso, pagkakamal ng salapi ng bayan ang inaasam.
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Inuna pang ratsadahin ang pagpapayaman sa mga dati nang mayaman
Wala pang isang buwan ay lusot na ang kahunghangan
Habang hindi inaaksyunan ang hiling ng mga manggagawang itaas ang sahod
Dahil walang katapusan ang pagbilis ng implasyon
Ginto na ang presyo ng sibuyas
Wala na tayong pambili ng bigas
Lalong lumiit ang pandesal na matigas
Pero ang inuna pa ng mga putang’na ay pagwawaldas
Walang pera sa ayuda at umento sa sahod, pero may pera sa pandarambong
Budol-budol muli, buhong na buhong na mandarambong!
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Kahit papel na pinanghilamos ng kasilyas at dumi’y pipirmahan
Oo agad sila sa anumang batas na tayo ang nanakawan
Kahit kamay ng demonyo’y hahalikan
Ang santong pera lamang ang luluhuran
Pero sa linggo’y magsisimba pa rin ang mga putang’na
Mag-aantanda at magpapanggap na Diyos ang kanilang panginoon
Kahit na nilimot ang utos na “Huwag kang magnanakaw”
Kakabit ang lohikal na atas na huwag kang magpakasangkapan sa magnanakaw
Kakabit ang tagubilin ng mga propeta:
manindigan para sa katarungan,
huwag agawan ng pagkain ang dukha,
huwag pagsamantalahan ang sambayanan,
itakwil ang pagkakamal ng yaman.
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Wala pang isang buwan, pasado na ang kahunghangan
Nagkaroon pa ng huwad na mga pagdinig,
Hindi naman nakinig sa ating mga tinig
Kunwaring konsultasyon ay pinalipas
At sa halip ay kapritso ng Palasyo ang sinunod
Kapritso ng mga isinuka na noon ng bayan
Kapritso ng mga mangangamkam
ng limpak-limpak na perang lagpas sa legal nilang kita
Kapritso ng mga binusog ng perang dinambong sa mga magniniyog
Kapritso ng mga nag-eeroplano para bumili ng keso at alak sa Europa
Habang namamatay sa malnutrisyon at kagutuman ang mga sanggol at bata sa Negros
Kapritso ng mga nahatulan ng Sandiganbayan
pero hindi ikinulong ng Estado dahil ubanin na raw
Kapritso ng mga bili nang bili ng alahas, sapatos, mamahaling pinta
at saka nagpapanggap na makamasa
Kapritso ng mga dinastiyang ang mga ninuno at inapo
ay mga demonyong mandarambong
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Dalawandaan at pitumpu’t siyam na karilyo
Tau-tauhan ng bulok na palasyo
Tau-tauhang manikang susian
Tau-tauhang utak-biya
Tau-tauhang manggagantso
Tau-tauhang budol-budol muli
Tau-tauhang buhong na buhong na mandarambong
Tau-tauhang nakatira sa mga dambuhalang bahay
Habang kalsada ang banig ng mamamayan
Habang walang matibay na bahay ang maralita
Habang nahihirapang magbayad ng renta o maghulog sa Pag-ibig o bangko
Ang nagtatangkang magkaroon ng maayos-ayos na tahanang may kaunting dignidad.
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Hindi matagpuan sa kanilang mga opisina
Kapag ang bayan ang may panukalang batas
Kapag ang bayan ang may inilalapit
Kapag ang manggagawa ang dumaraing
Kapag ang magsasaka ang nananaghoy
Kapag migrante ang dumudulog
Kapag ang guro ang nagpepetisyon
Kapag ang taumbayan ang nanghihingi
Pero mabilis pa sa alas kuwatrong pinayagan ang buhong na buhong na pandarambong
Ayoko nang makita ang mga putang’na
Kita natin sa buong taon ay buwanang kita ng mga putang’na
Kaban ng bayan ang nagpapalamon sa kanila
At sa kanilang mga masisibang pamilya
Habang patuloy sila sa pagbalewala sa ating adhika
Bangungot ang hatid nilang batas sa atin
Sinusunog nila ang ating mga pangarap
Pinapatay nila ang ating pag-asa
Pinapaslang nila ang ating karapatang makilahok
Silang mga kinatawang naging kawatan lamang
ayoko nang makita ang mga putang’na
baka tumalim ang dila
biyakin mga dibdib nila’t tiyan
tadtarin ang atay at puso
paluwain ang bituka
dukitin ang mga mata
putulin ang mga kamay at paa
ataduhin ang mga bangkay
ipataba sa palay
o isabog sa lupang binaog
ng mga alagad ng pambubusabos.
ayoko na silang makita, ayoko na…
maglalagablab lamang ang utak
susulak ang dugo sa mga ugat
babaligtad ang sikmura
sa alingasaw ng katawan nila
di ko sila matatagalang pagmasdan
o kahit sulyapan man lamang
mga huwad na makabayan
mga kampon ng kasakiman
mga manlilinlang
kuwarta lamang pala ang katapat
ng kanilang yabang at paninindigan.
ayoko nang makita ang mga putang’na
lalamunin din sila ng lupa
o sa krematoryo’y maging abo na
magbabanyuhay pa rin ang pag-asa ng masa
sa patuloy na pakikibaka
hanggang lipuna’y mabago na
mapairal tunay na hustisya’t demokrasya
mapupulbos din ang uring mapagsamantala
ang mga putang’na!
Ayoko Nang Makita Ang Mga Putang’na!
Orihinal na tulang sinulat ni Rogelio L. Ordoñez noong 2009. Binago nang bahagya ang kabuuan at dinagdagan ng mga bagong berso bilang mariing kondenasyon at pagpapahayag ng galit sa pagratsada ng Kongreso sa House Bill 6608 o Maharlika Investment Fund Bill.
Ang orihinal na tula ay mababasa sa https://plumaatpapel.wordpress.com/2009/12/26/ayoko-nang-makita-ang-mga-putangna/