13 dahilan bakit TUTOL TAYO SA House Bill 6398 (Maharlika Investment Fund/PH Sovereign Wealth Fund)
Noong Nobyembre 28, 2022, nagfile ng bill ang ilang kongresistang konektado sa administrasyon (kasama ang anak ng presidente) para buuin ang Maharlika Investment Fund o Sovereign Wealth Fund ng Pilipinas. Niraratsada ito ngayon sa Kongreso (naaprubahan na nga ng isang panel doon kahit na walang malawakang konsultasyon sa mga mamamayang apektado).
Malaking tipak ng nasabing investment fund ang mangggagaling sa pera ng SSS at GSIS na mula naman sa ating kontribusyon. Ibig sabihin, ang pera natin ay gagamitin ng gobyerno para mamuhunan sa iba’t ibang bagay na sabi nila’y pwedeng tumubo at pwede tayong makinabang. Pero kapag sinuring mabuti ang panukalang batas, magiging malinaw na wala tayong mapapakinabangan dito at malaki pa nga ang posibilidad na malagay sa peligro ang pensyon ng mga retirado na at ang kontribusyon sa SSS at GSIS ng mga nagtatrabaho ngayon. Narito ang 13 dahilan bakit tutol tayo sa House Bill 6398.
1.Walang malinaw at malakas na probisyon para sa sapat na representasyon ng mga manggagawa sa entidad na mangangasiwa sa pondo, gayong ang malaking porsyento ng pondo ay galing sa kontribusyon natin bilang mga SSS at GSIS members. PERA NATIN ‘YUN PERO WALA TAYONG KINATAWAN!
2. Ang pera ng Land Bank and Development Bank of the Philippines (DBP) ay gagamitin din para sa pondong ito. Kung gayon, maaaring mabawasan ang pera ng Land Bank at DBP para sa pagpapautang sa mga ordinaryong mamamayan at maliliit na negosyo (MSMEs) na siyang pundasyon ng ating ekonomiya pagdating sa paglikha ng mga trabaho.
3. Kahit walang sovereign wealth fund, nagagawa naman ng GSIS & SSS na gamitin ang kontribusyon natin para mamuhunan sa maraming bagay. Palalakihin lang ng panukalang batas ang umiiral na burukrasya na milyun-milyon kundi man bilyun-bilyong piso ang inuubos para sa mga walang saysay na gastos sa “administrasyon” o “administrative expenses.”
4. Hindi sapat ang itinakdang limitasyon ng panukalang batas para sa mga gastos sa administrasyon at operasyon ng pondo. Pera natin, gagamiting pampasarap ng mga burukrata na wala namang alam at walang ginagawang para sa bayan. HINDI PWEDE ‘YAN!
5. Pinapayagan ng panukalang batas ang pamumuhunan sa “Financial derivatives.” ANG MGA GANITONG INVESTMENT AY HIGH-RISK (may malaking tsansa na malugi o mawala ang puhunan)! Nakalimutan na ba nila ang 2008? Ang “financial derivatives” ang isa sa mga pangunahing sanhi ng global na pinansyal na krisis noon. Maaaring panoorin ang pelikulang “The Big Short” (2015), o pakinggan ang awit ng Fascinating Aida na “The Market” kaugnay nito. Ang pamumuhunan sa “financial derivatives” ay parang sugal na mahirap manalo at malaki ang tsansang matalo. Pwedeng mawala ang lahat sa atin!.
6. Binabanggit sa panukalang batas ang pamumuhunan sa “Listed or unlisted equities…” at “Joint ventures or co-Investments” na parang wala namang masama pero sa aktwal ay maaaring gamitin para paboran ang interes ng mga dambuhalang korporasyon na may koneksyon sa mga namumunong dinastiya. Tandaan natin na wala tayo sa bansang gaya ng Norway na matino ang pamamahala at may transparency ang gobyerno.
7. Ayon sa panukalang batas, ang pondo ay maaaring gastusin para sa “Third party fees and all charges incurred in connection with the establishment and management of the MIF” na delikado dahil walang sapat na limitasyon sa pwedeng ilaan sa mga gayong bayarin/gastusin. Parang pagsasayang ito ng pera dahil nagagawa naman ng SSS at GSIS ang nais gawin ng investment fund na gustong buuin ng gobyerno.
8. Hindi katanggap-tanggap ang pagkakaroon ng honoraria, allowances, at reimbursements (bayad/pera) para sa mga burukrata ng pondo dahil tiyak naman na ang mga itatalaga sa pondo ay may trabaho na rin naman na malaki ang sweldo sa gobyerno o sa mga korporasyon. Sobrang garapal na kung may sweldo na sila ay bibigyan pa sila ng dagdag-bayad.
9. Walang mekanismo ang panukalang batas para direktang ibigay ang tubo sa mga mamamayan (lalo na sa mga miyembro ng SSS at GSIS). Ang tubo ay sa mismong ahensya ng SSS at GSIS ibibigay. At hindi rin naman garantisado ang tubo.
10. Pinapayagan ng panukalang batas ang pagkuha ng pondo sa taunang pambansang badyet o mga karagdagang pondong mula sa gobyerno (supplemental appropriations), kaya’t maaaring mabawasan ang pondong para sa mga mahahalagang serbisyo gaya ng kalusugan, edukasyon, pabahay atbp.
11. Ang panukalang batas ay walang probisyon na nagbibigay ng prayoridad sa pamumuhunan sa mga trabaho na makakalikasan (halimbawa, sa sektor ng enerhiyang likas o renewable), modernisasyon ng agrikultura, at industriyalisasyon, kaya’t halos walang pambansang bepenisyo sa pondo na nais buuin ng gobyerno. Para saan ang pondo kung hindi naman pala sa pag-unlad ng Pilipinas gagamitin ang pera?
12. Ang probisyon ng panukalang batas sa mga gantimpala at insentibo para sa mga burukratang mangangasiwa ng pondo ay delikado dahil walang matibay na probisyon para sa publikong responsibilidad at pananagutan ng mga opisyal. Muli, tandaan natin na wala tayo sa bansang gaya ng Norway na maayos-ayos ang palakad.
13.Ang panukalang batas ay inakda ng dalawang kongresista na konektado sa mandarambong na dinastiya na pinatalsik na ng sambayanang Pilipino noong 1986. Ang dinastiya ring ito ang magkakaroon ng malawak na kapangyarihan sa pondo na nais nilang buuin. Malaking problema ‘yan!
Hindi magandang gawing bantay ng manukan ang masibang tigre o leon. Mauubos ang manok sa manukan natin! Hindi pa ba tayo nadala sa nangyari from 1972-1986? Ang mga katiting natin na pensyon sa SSS at GSIS ang nakasalang dito. Kausapin din natin ang mga katrabaho para tutulan ito.
Ang ACT Teachers Partylist, Gabriela Partylist, at Kabataan Partylist ay tumututol sa House Bill 6398. Pero iilan lang ang matino sa Kongreso. Kailangang lakasan natin ang pagtutol. Kung hindi ay makakapasa ang panukalang batas at lalong magkakanda-leche-leche ang sitwasyon natin.
(Salin ito na may kaunting dagdag para mas maging malinaw ang ilang punto. Ang pinagbatayan ng salin ay mababasa sa https://twitter.com/dmmsanjuan/status/1598252538993602560 Narito naman ang kaugnay na online petition: https://www.change.org/p/hands-off-our-sss-and-gsis-contributions-no-to-house-bill-house-bill-6398?recruiter=29052481&recruited_by_id=a9f112e0-e3b2-012f-a3b0-40401fa5e37a&utm_source=share_petition&utm_medium=copylink&utm_campaign=petition_dashboard )
