Opisyal na Pahayag ng Tanggol Wika hinggil sa Pagrerebyu ng Kongreso at Senado sa K to 12, MTB-MLE, At Iba Pang Kaugnay na Isyu

Opisyal na Pahayag ng Tanggol Wika hinggil sa Pagrerebyu ng Kongreso at Senado sa K to 12, MTB-MLE At Iba Pang Kaugnay na Isyu

Rebyu ng K to 12: Panimulang Hakbang sa Pagtugon sa Mga Kakulangan

Sinusuportahan ng Tanggol Wika ang proseso ng pagrerebyu ng Kongreso at Senado sa K to 12. Nararapat isakatuparan ang gayong gawain upang maidokumento ang mga kakulangan sa materyal na panturo, pasilidad, guro atbp. na ibinunga ng halos walang paghahandang imposisyon ng K to 12 mula noong 2013, at matiyak na ang mga kakulangang iyon ay mapupunan at matutugunan sa lalong madaling panahon. Dapat ding maging bahagi ng pagrerebyu sa K to 12 ang labor impact o ang mabigat na epekto nito sa mga guro at iba pang manggagawa sa sektor ng edukasyon na nawalan o nalipat ng trabaho, at/o nabawasan ang kita, at/o nadagdagan ang trabaho dahil sa pagpapataw ng bagong kurikulum sa kolehiyo. Kaugnay nito, dapat obligahin ng Kongreso at Senado ang Commission on Higher Education (CHED) na ilabas at isapubliko ang lahat ng datos na kanilang natipon ng sa pamamagitan ng CHED memorandum na may petsang Hulyo 30, 2019, na nag-aatas sa mga presidente ng mga unibersidad na magsumite ng ulat tungkol sa mga gurong nagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo simula School Year 2019-2020. Kailangan namang obligahin din ng Kongreso at Senado ang Departamento ng Edukasyon (DepEd) na ilabas at isapubliko ang lahat ng datos tungkol sa National Achievement Test (NAT), exit assessment atbp. mula 2013 hanggang kasalukuyan. Nararapat din na magsagawa ang Kongreso at Senado ng mga inspeksyon ng pasilidad ng mga publikong paaralan sa buong bansa upang lalo nilang makita at maramdaman ang lala ng kakulangan sa mga materyal, pasilidad atbp. na ibinunga ng K to 12.

Mga Konsultatibong Asembliya sa K to 12: Kinakailangan

Isang matingkad na aral na dapat matutuhan sa palpak na imposisyon ng K to 12, ang pagtitiyak na anumang pagbabago sa sistemang pang-edukasyon ay kinakailangan munang sumailalim sa malawakan at demokratikong konsultasyon. Hindi naisakatuparan ang gayong konsultasyon bago ipataw ang K to 12, kaya nga dumating sa punto na walong (8) kasong kontra-K to 12 ang isinampa ng iba’t ibang grupo at sektor sa Korte Suprema. Lagpas pa sa mga opisyal na datos, balido at wasto ang karamihan sa mga puna at kritisismo ng mga pangkat na ito sa K to 12, gaya ng makikita sa realidad sa maraming paaaralan ngayon. Samakatwid, anumang proseso ng pagrerebyu sa K to 12 ay kailangang maging malawakan at demokratiko. Sa ganitong diwa, hinihiling namin sa Kongreso at Senado na magsagawa ng mga konsultatibong asembliya sa iba’t ibang bahagi ng bansa, upang matiyak na ang tinig ng iba’t ibang sektor na apektado ng K to 12 ay maririnig na.

Pagsasaayos ng MTB-MLE Tungong Progresibong Patakarang Pangwika

Kaugnay naman ng panukalang suspensyon ng MTB-MLE, hinihikayat namin ang Kongreso at Senado na isagawa muna ang ganap at buong pagrerebyu sa K to 12, at gawing bahagi ng rebyung iyon ang pagrerebyu sa MTB-MLE. Marami-raming bagay na dapat isaalang-alang kaugnay ng MTB-MLE, gaya ng mga sumusunod: 1) sa maraming multinggwal na lugar sa bansa, walang malinaw na gabay sa paano pipiliin ang dominanteng mother tongue (MT) na gagamitin sa bawat klase o paaralan kaya madalas ay nagiging arbitraryo ang pagpili; 2) kulang ang materyal na panturo para sa MTB-MLE at may mga ulat din hinggil sa mga materyal na hindi akma sa sitwasyon ng mga partikular na paaralan (halimbawa’y teksbuk na Cebuano na hindi magagamit kahit sa maraming bahagi ng Mindanao na Bisaya ang wika); 3) walang sapat na kahandaan at kasanayan ang marami-raming guro sa elementarya, para sa epektibong pagsasakatuparan ng MTB-MLE, at wala rin namang sapat na pagsasanay na ibinibigay sa kanila ang gobyerno; 4) sa Konstitusyon ng bansa, auxiliary medium of instruction o pantulong na wikang panturo dapat ang mga wikang rehiyunal (sa halip na tanging wikang panturo gaya ng gustong mangyari ng gobyerno sa MTB-MLE sa Grades 1-3); 5) sa balangkas ng kasalukuyang MTB-MLE, humigit-kumulang 20 wika lamang ang itinuturing na MT. Kung magdesisyon ang Kongreso at Senado na ituloy pa rin ang MTB-MLE, nararapat na isaalang-alang ang mga nabanggit na. Bukod dito, dapat ding tiyakin na magkakaroon ng sapat na pondo para sa pagsasanay ng mga guro at para sa mga materyal na panturo sa MTB-MLE, hindi lamang para sa 20 wika, kundi para sa mas marami pang wika sa buong bansa.

Gayundin, ang MTB-MLE sa Grades 1-3 ay dapat magsilbing tulay sa swabeng transisyon tungo sa paggamit ng wikang Filipino – ang wikang pambansa – bilang pangunahing wikang panturo mula Grade 4, lalo pa at may ilang maliliit na pangkat na pinopondohan ng mga dayuhang entidad na ginagawang kasangkapan ang MTB-MLE upang ilayo sa halip na ilapit sa wikang pambansa, ang marami-raming mamamayan ng Pilipinas. Sa kanilang mga maniobra ay ginagawang lunsaran ang MTB-MLE para lumundag ang mga estudyante mula katutubong MT tungong dayuhang wikang English, sa halip na tumulay papunta sa wikang pambansa. Hindi dapat pabayaang maghasik ng pagkakahati-hati ang mga elementong ito na ikinukubli ang kanilang imperyalismong lingguwistiko sa tabing ng maskara ng paibabaw (superficial) na pagsuporta sa MTB-MLE.

Dapat linawin at patatagin ang dinamikong ugnayan ng mga wika ng Pilipinas at ng wikang pambansa. Ang deklaradong layunin ng MTB-MLE ay pabilisin at paunlarin ang pag-unawa ng mga estudyante sa mga aralin,  gamit ang MT. Sa konteksto ng patakarang pangwika sa Konstitusyon, mula sa MT ay inaasahang mabilis na matututo o mapalalawak pa ang pagkatuto ng mga estudyante sa wikang pambansa na unti-unting magiging pangunahing wikang panturo mula Grade 4, habang nananatili pa ring wikang pantulong sa pagtuturo ang mga MT (kung kinakailangan pa). Ang paglakas ng mga wikang katutubo sa Pilipinas sa pamamagitan ng maayos na implementasyon ng MTB-MLE ay makapag-aambag din sa pagpapalakas ng wikang pambansa, kaugnay ng binabanggit ng Konstitusyon sa elaborasyon ng wikang Filipino salig sa mga umiiral na wika ng bansa.

Reoryentasyon ng Nilalaman ng K to 12: Mula sa Pagpapalakas ng Wikang Pambansa Tungo sa Kompleto at Holistikong Makabayang Edukasyon

Sa konteksto ng lipunang Pilipino na pinapalaya pa lamang kaniyang sarili sa neokolonyalismo sa wika, kultura at iba pang aspekto, dapat lamang na tiyakin na ang patakarang pangwika ay magpapalakas din sa wikang pambansa na magiging kalasag sa mapangwasak na daluyong ng pangingibabaw ng mga dayuhan, at magiging instrumento rin para sa pambansang pagkakaisa at kohesyong panlipunan (social cohesion) na pawang mahalagang sangkap sa pagpapaunlad ng bansa – mula sa mabilis na komunikasyon at diskursong pambansa at malalim at malawak na mga pananaliksik na nakaugat sa mga realidad ng Pilipinas, tungo sa mabilis na pagsasabalikat ng mga planong pangkaunlaran na nakabatay sa pangangailangan ng mga mamamayan ng bansa. Ang mga ganitong layuning pang-edukasyon ay sinasalamin ng bisyon ng mga nagbalangkas ng Konstitusyong 1987 na kanilang inilahad sa deliberasyon ng Constitutional Commission noong 1986. Binigyang-diin ni Commissioner Wilfrido Villacorta ang pangmatagalang direksyon ng paglinang ng sariling wika ng bansa, sa kanyang pag-iisa-isa sa mga layunin ng ating patakarang pangwika: “Fourth, preservation and development of cultural resources and institutions with their realization that culture can help build a democratic society. Fifth, genuine development of the national language in order to accelerate the collective participation of the Filipino people in socio-economic development and nation building.” Direkta namang inilahad ni Commissioner Ponciano Bennagen ang matibay na koneksyon ng mga layuning pangkaularan ng Konstitusyon at ng probisyong pangwikang nakapaloob dito: “We are also saying that the State shall foster creative and critical thinking; broaden scientific and technological knowledge; and develop a self-reliant and independent economy to industrialization and agricultural development. We have also said earlier that we shall have a consultative government and that people’s organizations shall be protected in terms of their right to participate more fully in the democratic processes. In all of these, we need to have a unifying tool for communication which is, of course, Filipino…”

Ang makabayang adyenda sa edukasyon ang siyang dapat maging lunsaran ng mas malawak na proseso ng pagbubuo ng kompleto at holistikong makabayang edukasyon. Sa ilalim ng ganitong balangkas, dapat tiyakin na ang nilalaman ng bawat asignatura, kurso, at programa ay makatutulong sa paghuhubog ng mga mamamayang may malalim na pag-unawa sa mga realidad at suliranin ng kanilang lokal at pambansang komunidad, at may sapat ding kasanayan upang makapag-ambag sa pagpapabuti ng buhay ng mga kapwa Pilipino at pagpapaunlad ng bansa at sangkatauhan. Samakatwid, mainam na panimulang hakbang sa prosesong ito ang pagtitiyak na ang mga likas na espasyo ng makabayang kamalayan sa kurikulum – mula sa asignaturang Philippine History/Kasaysayan ng Pilipinas sa junior high school, Filipino, Panitikan, at Philippine Government & Constitution subjects sa kolehiyo – ay hindi mawawala. Sa ganitong diwa ay nananawagan kami sa Kongreso na agarang isabatas ang House Bill 223 (Filipino at Panitikan sa Kolehiyo), at sa Senado na magbalangkas na ng bersyon nito. Panawagan din natin sa mga mambabatas na isabatas na rin ang pagkakaroong muli ng Philippine History sa junior high school, at Philippine Government & Constitution subject sa kolehiyo.

 

Rebyu sa K to 12, palawakin!

Tinig ng iba’t ibang sektor, konsultahin!

Punan ang mga kakulangan!

Makabayang edukasyon, ipaglaban!

Mga asignatura para sa edukasyong makabayan, ipaglaban!

House Bill 223, isabatas!

 

29 Pebrero 2020

 

 

 

1 Comment

  1. The article is so truthful. Read it with an open mind. The K to 12 has now transmogrified into an unpalatable lesson that we must all learn. The proponents are now so quiet in their rabbit holes. The wrinkles of this curriculum are all ours to fix. Next time, we should not allow any institution or interest group to force our hands into something that would jeopardize the educational interests of the Filipino youth.

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s