Mga Modelong Pagtugon sa Krisis na Dulot ng COVID-19, sa Loob at Labas ng Pilipinas

Mga Modelong Pagtugon sa Krisis na Dulot ng COVID-19, sa Loob at Labas ng Pilipinas

Pangunahing layunin ng artikulong ito na itala at itampok sa wikang sariling atin, ang ilang modelong pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19, sa loob at labas ng Pilipinas, bilang pagbibigay-diin sa mga hakbang na dapat pang isabalikat at/o palawakin. Sa ating pagtutulungan, ang mga hakbang na ito ay maisasakatuparan.

  1. LIBRENG MASS TESTING PARA MABILIS NA MAKONTROL AT MASUGPO ANG CORONAVIRUS

Naisagawa na ito ng mga bansang gaya ng South Korea, Singapore, Iran, at Kuwait. Maraming bansa ang nagsisikap na rin na isakatuparan ito. Binigyang-diin ng Pangkalahatang Direktor ng World Health Organization na si Tedros Adhanom Ghebreyesus ang kahalagahan ng mass testing: “Hindi pa natin nakikita ang mabilisan at sapat na pagsasagawa ng testing, pag-isolate at pag-trace sa kontak, na dapat maging sentro ng ating tugon. May simpleng mensahe tayo sa lahat ng bansa: Test, test, test.”

Halos 110 milyon ang populasyon ng Pilipinas ngayong 2020. Ang bawat isang testing kit na ginawa ng mga taga-Unibersidad ng Pilipinas ay nagkakahalaga ng 1,320 piso. Samakatwid, 145.2 bilyong piso ang kailangan para matest ang lahat ng Pilipino, sa ideyal na sitwasyon.

South Korea ang isa sa bansang may pinakamaraming natest sa porsyento ng populasyon. As of March 8, 2020, mahigit 189,000 na ang natest nila (katumbas ng 3,692 sa kada 1 milyong mamamayan). Samantala, as of March 16, halos 1,000 tao pa lang ang natest sa Pilipinas (9 sa bawat 1 milyong Pilipino). May ilang politiko at kamag-anak ng mga politiko na nauna pang itest – kahit na WALANG SINTOMAS – bagay na labag sa mismong gabay sa testing na inilabas ng Department of Health (DOH). Anu’t anuman, kailangang ikonsidera ng Pilipinas ang pagkopya sa modelong Koreano dahil isa ito sa mga pinaka-epektibo ayon sa mga eksperto. Ayon kay Minister ng South Korea para sa Ugnayang Panlabas na si Gng. Kang Kyung-wha, napakahalaga ng testing sa maagang/maagap na deteksyon ng virus sa mga tao, bagay na kailangan para matiyak na hindi na dadami pa ang mahahawa nito. Isang pag-aaral sa bayan ng Vo, Italy ang nagpapatunay naman na kailangan talaga ang masd testing para matukoy ang mga asymptomatic o mga nagtataglay ng virus (carrier) pero walang sintomas, na maaaring makahawa sa mas malaking populasyon kung hindi kaagad matutukoy.

Kung susundin natin ang modelong Koreano, kailangan natin ng badyet para sa 406,120 man lamang na testing kits. Kailangan lamang natin ng inisyal na 536 milyong piso para rito. Halos kalahating bilyong piso lang ito. Kayang-kaya ng gobyerno natin, lalo pa at nagdeklara na ng pambansang emergency – na nagbibigay-awtoridad sa kanila na galawin at gastusin ang mga reserbang pondo ng gobyerno. Maaari ring obligahin ng gobyerno ang mga pinakamalalaking korporasyon na mag-donate ng malalaking halaga para matipon agad ang pondo para sa 406,120 testing kits. Magiging epektibo lamang ang community quarantine kung mabilis din nating matutukoy ang mga nahawan ng virus, at walang ibang paraan para maisagawa iyon kundi sa pamamagitan ng mass testing.

COvidtesting

  1. DRIVE-IN/DRIVE-THRU NA TESTING CENTER

Isa ito sa mga inobasyon sa South Korea. Dahil may mga checkpoint na ngayon sa buong Luzon, maaaring mismong ang mga ito na ang gawing drive-in/drive-thru na testing center. Sa ganitong iskema, nasa sasakyan lang ang mga mamamayan at may manggagawang medikal na kukuha ng sample sa kanilang bibig.

https___cdn.cnn.com_cnnnext_dam_assets_200302123350-coronavirus-outbreak-drive-through-testing-south-korea-watson-intl-ldn-vpx-00001006

 

  1. NASYONALISASYON/PAGSASAILALIM NG MGA PRIBADONG OSPITAL SA KONTROL NG GOBYERNO

Isinagawa na ito ng bansang Espanya bunsod ng biglang pagdami ng mga kaso ng COVID-19, na nangangailangan ng mas mabilis at epektibong pagpapatakbo ng sistemang pangkalusugan. Sa pamamagitan nito ay agad ding magagamit ang mga pasilidad ng mga pribadong ospital para sa mga kaso ng COVID-19, lalo pa at punum-puno na ang mga publikong ospital.

  1. PANSAMANTALANG PAGPAPATIGIL SA PAGBABAYAD NG RENTA, BUWANANG HULOG SA BAHAY NA BINILI, BILL SA KURYENTE, TUBIG, CREDIT CARD ATBP.

Sa United Kingdom, tatlong buwan na suspendido ang pagbabayad ng buwanang hulog sa bahay na binili sa pamamagitan ng utang sa bangko.

Sa Pransya, pansamantalang pwedeng hindi magbayad ng bill sa kuryente at tubig, at suspendido rin muna ang pagbabayad ng renta. Pinayagan din ng Pransya ang pag-delay sa pagbabayad ng ilang buwis.

Sa ilang bahagi ng Australia, suspendido na rin ang pagbabayad ng bill sa tubig at kuryente.

Sa Pilipinas, pansamantalang pwedeng hindi magbayad ng bill sa Meralco, Globe, East West Bank credit card, Pag-ibig Fund atbp.

Sa United Kingdom, ang ilang ekonomista ay nagpapanukala na rin ng mga kongkretong hakbang para hikayatin ang gobyerno na tiyakin na walang negosyong babagsak/magsasara dahil sa krisis na ito. Mahalagang hakbang ito sapagkat sa bawat negosyong magsara ay may mawawalan ng trabaho, kaya’t kailangang tulungan ng gobyerno ang mga negosyong namemeligrong magsara – sa kondisyon na hindi sila magtatanggal ng trabaho at magpapasweldo rin nang maayos sa mga manggagawa nila.

Lumalakas na rin ang panawagan ng iba’t ibang grupo sa United Kingdom, USA, at Canada para sa pansamantalang pagpapatigil ng pagbabayad ng renta sa inuupahang bahay at maging sa inuupahang pwesto ng tindahan atbp. establisimyento.

Ang mga ganitong hakbang ay positibo at kinakailangan pang palawakin upang matiyak na hindi masyadong mahihirapan ang bulsa ng mga mamamayan – lalo na yaong mga walang regular na kita.

Makabubuting maglabas ng isang pangkalahatang executive order ang president ng Pilipinas upang tularan at/o palawakin ang mga nabanggit na agarang hakbang. Mas mainam kung 3-5 buwan man lamang ang bisa ng suspensyon ng pagbabayad ng renta at bills, dahil inaasahang matagal-tagal pang mararamdaman ang epekto ng krisis na ito. Makabubuti rin na saklawin ng gayong atas ang pagtatanggal ng interes/patong sa anumang halagang hindi mababayaran sa panahon ng krisis. Kailangan ng executive order para rito dahil hindi naman lahat ng dambuhalang negosyo ay may mabuting kalooban/konsensya.

  1. PAGKALINGA SA MGA WALANG TAHANAN/NAKATIRA SA LANSANGAN

Kahabag-habag ang kalagayan ng mga walang tahanan noon, at lalo na ngayon. Samakatwid, kailangang tugunan ang kanilang mga pangangailangan, lalo na ngayon dahil sila ang pinakahantad/exposed sa impeksyon. Sa San Francisco, California, USA, isang mamamayang walang bahay ang kumpirmadong namatay na dahil sa COVID-19. Kaugnay nito ay inilatag na ng pang-estadong pamahalaan ng California ang plano para gamitin ang mga simbahan at paaralan sa kanilang lugar bilang pansamantalang tahanan ng mga nakatira sa lansangan. Sa Pilipinas – na isang bansang Kristyano – ay napakaraming simbahan at sambahan na maaaring gamitin para rito, at marahil, wala namang pari, madre, pastor, o ministro na tututol sa ganitong makataong solusyon. Ang mga paaralang publiko ay agad ding maaaring gamitin para rito sapagkat suspendido rin naman ang klase. Dapat bigyang-diin na higit na malaki ang magagastos kapag pinabayaan lamang ang mga nakatira sa lansangan dahil napakalaki ng posibilidad na maging carrier din sila ng virus, at marami sa kanila ang maaaring mamatay sa COVID-19.

Naghapag din ng praktikal na solusyon sa problema si Sen. Bernie Sanders, isa sa mga kandidatong presidensyal sa Estados Unidos: pagtatayo ng mga tahanan para sa mga nakatira sa lansangan. Sa kaso ng Pilipinas, praktikal na praktikal ito dahil maaari itong gamitin ng gobyerno upang magkaroon din ng pansamantalang trabaho ang mga manggagawa sa sektor ng konstruksyon na naalis o napatigil sa trabaho dahil sa krisis na dulot ng paglaganap ng COVID-19.

 

  1. PAGKALINGA SA MGA MANGGAGAWANG KONTRAKTWAL, MALILIIT NA NEGOSYANTE/TINDERO/TINDERA, DRAYBER ATBP.

Isa sa huwaran sa pagkalinga sa mga manggagawang kontraktwal ang pamahalaang panlungsod ng Pasig sa pamumuno ni Mayor Vico Sotto. Ipinahayag niya na pati ang mga kontraktwal na manggagawa ng city hall ay makakatanggap pa rin ng sweldo kahit suspendido ang trabaho. Mainam kung maisasakatuparan ito sa lahat ng mga lungsod at bayan, at kung isasakatuparan din ng mga pribadong kumpanya.

Samantala, tila wala pang aksyon ang mga kinauukulan para sa mga maliit na negosyanteng gaya ng mga tindero, tindera, drayber at iba. Apektado sila ng community quarantine dahil mas kaunti ang bumibili at baka nga di na rin sila makapagtinda. Sa kaso ng mga drayber, bawal na ang pagbyahe kaya wala na agad silang kita. Sa kasamaang-palad, hindi sila saklaw ng mga positibong aksyon ng gobyerno kaugnay ng mga manggagawang namamasukan sa mga malalaking pribadong kumpanya. Samakatwid, nangangailangan sila ng agad na tulong. Bukod sa pangako ng Department of Labor and Employment (DOLE) na pagbibigay sa kanila ng pansamantalang trabaho bilang taga-disinfect ng mga bahay atbp. trabaho, maaaring ikonsidera ang pagpapalawak ng mga programang cash assistance (gaya ng 4Ps/CCT, o ng Basic Income na gaya ng ipinatutupad  at planong ipatupad sa ibang bansa). Muli, kayang-kayang isakatuparan ito ng gobyerno dahil sa deklarasyon ng pambansang emergency na nagbibigay-awtoridad sa gobyerno na gamitin ang mga reserbang pondo.

Sa ibang bansa, maaaring maging modelo ang Denmark. Sa loob ng tatlong buwan, sasagutin ng gobyerno ng Denmark ang 75-90% ng sweldo ng mga manggagawang hindi makapagtrabaho o namemeligrong matanggal sa trabaho dahil sa epekto ng pagkalat ng coronavirus. Obligado naman ang mga kumpanya na sagutin ang kapupunan ng sweldo sa panahon ding iyon.

  1. PAGPAPABILIS NG PRODUKSYON NG FACE MASK, ALCOHOL ATBP.

Nakaya ng Taiwan na makapagprodyus ng 10-13 milyong face mask kada araw, na ipinamimigay o kaya’y ibinebenta ng mura, sa pamamagitan ng pag-aatas sa mga sundalo na tumulong sa produksyon sa mga pabrika nito. Ang gayong modelo ay maaaring isakatuparan sa Pilipinas, at isagawa rin sa industriya ng alcohol na kailangang-kailangan din. Maaari ring ikonsidera ang pagbibigay ng trabaho sa mga pabrikang ito, sa mga nawalan ng trabaho o nahihirapan nang magbenta ng kanilang produkto/serbisyo dahil sa community quarantine.

  1. PAGGAMIT NG WIKANG SARILI SA MGA OPISYAL NA ANUNSYO/IMPORMASYON

Sa mga opisyal ng gobyerno na nangunguna sa paglaban sa coronavirus, isa si Dr. Maria Rosario S. Vergeire, undersecretary ng DOH, sa pinakakapuri-puri sa paggamit ng wikang Filipino sa pagpapaliwanag ng isyu at mga anunsyo. Sana’y higit na dumami ang opisyal na gaya niya. Sana rin ay higit na gamitin na ng opisyal na Facebook page ng DOH ang wikang Filipino sa lahat ng anunsyo. Umaasa rin tayo na ang mga susunod na deklarasyon at atas ng Tanggapan ng Pangulo ay magiging nasa Filipino na rin. Ang paggamit ng wikang sarili sa mga opisyal na anunsyo ay makapagpapabilis sa pag-unawa sa at diseminasyon ng impormasyon. Sa ganitong aspekto ay kapuri-puri rin ang paglalabas ng mga infographic ng grupong CURE COVID (Citizens’ Urgent Response to End COVID-19) na nasa wikang sariling atin. Sana’y hindi lang maging pangkrisis ang Filipino, kundi gamitin nang lagi.

#SerbisyoPubliko #AnunsyoFilipino #COVID-19 #Coronavirus #CommunityQuarantine

SANGGUNIAN:

https://www.businessinsider.com/coronavirus-testing-covid-19-tests-per-capita-chart-us-behind-2020-3

https://www.businessinsider.com/coronavirus-spain-nationalises-private-hospitals-emergency-covid-19-lockdown-2020-3?r=US&IR=TThe&fbclid=IwAR1h6S-JMFb_DbQTfI2Fcy5m6SecLrqaC74IQhU8214BfyxqZDoH5y-ofKQ

https://www.ibtimes.sg/spain-hospitals-nationalized-macron-promises-household-bills-be-suspended-france-41184

https://www.telegraph.co.uk/money/consumer-affairs/coronavirus-three-month-mortgage-holiday-homeowners-rent-council/

https://metro.co.uk/2020/03/17/labour-demands-government-suspends-rents-stop-evictions-coronavirus-pandemic-12414317/

https://www.theguardian.com/world/live/2020/mar/16/coronavirus-live-updates-us-cdc-events-europe-lockdown-uk-deaths-australia-france-italy-spain-update-latest-news?fbclid=IwAR1KQaywB5Fjh7tLFCRPJCyReb82m5niVI4See2Uvq87YuTTB7FSS32xEYA

https://www.nytimes.com/2020/03/16/world/europe/coronavirus-france-macron-travel-ban.html

https://edition.cnn.com/2020/03/17/business/coronavirus-economic-response-europe-france/index.html

https://www.theguardian.com/commentisfree/2020/mar/17/governments-crisis-coronavirus-business

https://www.jacobinmag.com/2020/03/coronavirus-housing-security-rent-freeze-eviction

https://thehill.com/homenews/state-watch/488016-cities-worry-about-homeless-populations-as-coronavirus-surges

https://www.businessinsider.com/coronavirus-homeless-died-silicon-valley-2020-3

https://www.sfchronicle.com/bayarea/article/Coronavirus-and-homeless-people-SF-wants-to-15138174.php

https://www.nbcnews.com/health/health-news/what-taiwan-can-teach-world-fighting-coronavirus-n1153826

https://www.scmp.com/week-asia/health-environment/article/3065187/coronavirus-south-koreas-aggressive-testing-gives

https://www.thedailybeast.com/south-korea-is-beating-the-coronavirus-mass-testing-is-key-but-theres-more?source=world&via=rss&fbclid=IwAR26Pf4854SqVEbT_ZsjxFc5cFg332XfZ81nTmPssnQagNwb-jN5BoPVzyo

https://www.usatoday.com/story/money/2020/03/16/utility-cable-internet-phone-coronavirus-covid-19/5060084002/

https://www.who.int/emergencies/diseases/novel-coronavirus-2019/events-as-they-happen?fbclid=IwAR3jeoDgMUjZPNIUFXIoSDfhQZuLBQNevanxEgv8WJrVmy4KWCJkvxLEfY4

http://www.xinhuanet.com/english/2020-03/14/c_138878439.htm?fbclid=IwAR0H9Hx5EVfIaQm6dYoWr4g_J4sHfyev-3tH5D2zDhu65MPyVy4vgOzHicY

https://www.bbc.co.uk/programmes/p086q4fx?fbclid=IwAR1Cm2Q4pbLwWPRDut_6lnFZs0xY2NsOKmhDxu4rtgHSqhpH3DqzdTMwfvU

https://www.theguardian.com/commentisfree/2020/mar/18/denmark-coronavirus-uk-government-workers-employees

https://www.theguardian.com/world/2020/mar/18/scientists-say-mass-tests-in-italian-town-have-halted-covid-19?fbclid=IwAR1mGWmg_P_WICtd_cmZNRs2mTNFbDiFTox1nbmtZIBHMtjo0ONNOYaYGGA

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s