Kay Ka Bien
(tula ni Joel Costa Malabanan)
Ngalang Bienvenido’y pagtanggap, pagharap
Anumang dumating sarap man o hirap;
May yakap, paglingap sa tapat at tunay
Subalit sa lilo, balisong ang unday!
Kagaya ng sisiw, maagang nawalay
Sa init ng yakap ng nanay at tatay;
Edad limang taon, bubot man ang malay
Natutong sumabay sa lupit ng buhay!
Ulila mang lubos, lola ang ang nagpuno
Upang pagkatao’y mahubog, mabuo
Edad labing-apat, gabay ay lumisan
Ang ninong at ninang ang bagong magulang!
Sa Lipa, Batangas, nahulma ang angas
Pinanday ang tatag, gaso, pati bargas;
Ikal’ang Digmaan, humampas, lumipas
Ngunit ang pangarap ay lalong nagningas!
Edukasyong tulay, napagtagumpayan
At ang panitikan ang naging larangan;
Mula sa UST hanggang Amerika
Itong Batangueno’y naging dalubhasa.
Sa Batas Militar ay hindi nahimbing
Dahil sa pagtutol, napiit, nabinbin;
Ngunit ang pag-ibig ang tagapagligtas
Kaya nakalaya at muling umalpas!
At hindi humintong bakahin ang lisya
Ilantad ang lupit nitong diktadurya;
Ang naging lunsaran ay sining ng dula
Sandata ay teatro, musika at tula!
Nagturo sa La Salle, Ateneo, UP
Pati na sa Hawaii, Japan at UST;
Ang dami ng aklat na likha’t nalimbag
Yamang-panitikang dakila ang ambag!
Pagkamakabaya’y hindi lamang hayag
Kaya mong ilakad ang sambit at satsat;
Gurong kumalaban sa diwang kolonyal
Kasapi ng BAYAN, ng CAP pati ng ACT!
Sa laban sa K-12, sa laban sa PDAF
Laban sa pasista at laban sa korap;
Sa laban sa impe, mga mananakop
Prinsipyo ni Ka Bien ay hindi tumiklop!
At sa Tanggol Wika ika’y aming gabay
Sa pakikibaka’y palaging patnubay;
Wika’t panitikan ay mahal mong tunay
At ang prinsipyo mo ay naisabuhay!
Ala e, kaya ga’ng ika’y mapantayan
Guro at Artista nitong sintang bayan;
Aktibista noon maging hanggang ngayon
Higit kang dakila, kumpara sa “poon”!
Buhay mong inalay sa wika at bayan
Halimbawang aming palaging susundan;
Salamat sa ambag at kabayanihan
Humayo na kayo, sa kapayapaan!
[Unang ipinaskel sa FB page ni Joel Costa Malabanan]
