Pagpupugay ng Tanggol Wika kay Dr. Bienvenido Lumbera

Ipinapahayag ng kasapian ng Tanggol Wika ang pinakamataas na pagpupugay kay Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, makabayang edukador, at haliging tagapagtatag ng Tanggol Wika, at ipinaabot natin ang taos-pusong pakikiramay sa kanyang mga kapamilya.

Hindi matatawaran ang ambag ni Dr. Bien sa pagtataguyod ng wika at panitikang sariling atin, ng makabayang edukasyon, at ng mga adbokasi para sa makabuluhang pagbabagong panlipunan. Isa si Dr. Bien sa mga haliging tagapagtatag ng Tanggol Wika noong 2014. Kaugnay nito, siya rin ang pangunahing petisyoner sa isinampang kaso ng Tanggol Wika para ipahinto ang implementasyon ng CHED Memo. Order (CMO) No. 20, Series of 2013. Masigasig niyang tinanggap ang bawat imbitasyon ng mga kaTanggol Wika sa iba’t ibang unibersidad upang itaguyod ang ating  pakikibaka sa pagpapanatili ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo. Tumatak sa kasaysayan ang mga pahayag niya sa midya kaugnay ng adbokasing pangwika. Instrumental din siya sa pagdaraos ng Unang Kumperensya sa Makabayang Edukasyon na pinangunahan ng Polytechnic University of the Philippines, Tanggol Wika, Tanggol Kasaysayan, Kilos na para sa Makabayang Edukasyon, Alliance of Concerned Teachers, at marami pang ibang institusyon noong 2016.

Bago pa maitatag ang Tanggol Wika, aktibo na sa adbokasing pangwika si Dr. Bien bilang isa sa mga petisyoner sa Korte Suprema laban sa pagpapatupad ng maka-English na Executive Order No. 210 ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Ang kanyang mga sulatin ay pawang staple reading din sa mga klase sa Filipino at Panitikan mula hayskul hanggang kolehiyo at lalo na sa antas gradwado, kaya’t hene-henerasyong mga estudyante at guro ang nahubog tungo sa pagiging makabayan sa pamamagitan din ng kanyang mga akda. Mula sa mga sanaysay hinggil sa kolonyal na edukasyon, katutubong estetika at pambansang panitikan, hanggang sa mga tulang tahas na sosyo-politikal ang tema, isinabuhay ni Dr. Bien ang praxis ng panulat, kamalayang panlipunan, at pakikibaka.  

Katunayan, lagpas pa sa mga adbokasing pangwika, kabalikat ng sambayanang Pilipino si Dr. Bien sa pagtataguyod ng mga makabuluhang repormang sosyo-ekonomiko. Halimbawa, isa siya sa mga convener ng Pagkakaisa para sa Tunay na Repormang Agraryo o PATRIA, at dating pangulo rin ng Alliance of Concerned Teachers/ACT Philippines, at founding chair ng ACT Teachers Partylist.

Si Dr. Bien ay tunay ngang Ka Bien para sa sambayanang Pilipino: isang publikong intelektwal, isang organikong iskolar na patuloy sa pakikipagkapit-bisig sa mga ordinaryong mamamayan, kaya’t mahal na mahal siya ng mga guro at ng iba pang sektor ng lipunan.  

Mananatili siyang inspirasyon ng mga guro at estudyanteng kasama ng buong bayan ay nakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at pagpapabuti ng buhay ng madla lagpas pa sa pagkakaroon ng matatag na wikang pambansa at mabulas na sariling panitikan. Sabi nga ni Dr. Bien sa nilagdaang tarpaulin sa pagtatatag ng Tanggol Wika “Sulong tungo sa anti-kolonyal na pakikibaka!” Tiwala rin tayo sa huling berso ng kanyang tulang “Balada ng Paglaya”: “Bayan ko, lalaya ka/Gabi ma’y anong tagal/Daratal ang umaga.”

Pinakamataas na pagpupugay kay Dr. Bienvenido Lumbera: guro ng bayan, publikong intelektwal, haligi ng wika at panitikang Filipino!

(ipinahayag sa Gabi ng Parangal kay Dr. Bien noong 04 Oktubre 2021; mapapanood ang buong video ng parangal sa: https://www.facebook.com/actph1982/videos/1963879773768841)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s