Bakit Dapat Patuloy na Manaliksik sa Filipino Ang Mga Pilipino?

Paunawa: Ang sumusunod ay excerpts mula sa preprint ng artikulong “Bakit Dapat Manaliksik sa Filipino Ang Mga Pilipino?: Kritik sa Scopus-sentrismo ng Mga Unibersidad at Ahensyang Pang-Edukasyon at/o Pampananaliksik sa Pilipinas. Ang Scopus ay isang database ng mga piling journal na itinuturing nilang de-kalidad/de-kalibre. Pag-aari ito ng Netherlands-based na kumpanyang Elsevier, at isa rin sa mga karaniwang batayan ng mga panukatan (metrics) sa mga pagraranggo ng mga unibersidad sa buong daigdig. Bunsod ng nabanggit na realidad, kapansin-pansin ang pag-iral ng Scopus-sentrismo – ang pagkiling sa Scopus bilang isa sa mga pangunahing batayan ng de-kalidad na saliksik – sa mga polisiya ng mga unibersidad sa bansa at ng mga ahensyang pang-edukasyon at/o pampananaliksik. Sa ilalim ng ganitong polisiya, hindi man direktang sinadya ay mas binibigyang-prayoridad ng mga unibersidad sa Pilipinas ang mga saliksik na nakasulat sa English. English ang karamihan sa mga journal at artikulo sa Scopus dahil na rin sa pangingibabaw ng English bilang wika ng akademya, ng pananaliksik sa buong mundo. Ang Scopus-sentrismo, kung gayon, ang isa sa mga dahilan ng patuloy na pagyakap ng maraming mananaliksik na Pilipino sa wikang English bilang kanilang pangunahing wika sa pananaliksik at ng kawalan ng gana ng marami sa kanila na gamitin ang wikang Filipino sa pananaliksik at diseminasyon ng pananaliksik. Sa kabila ng namamayaning Scopus-sentrismo sa Pilipinas, marami pa ring dahilan kung bakit dapat magsulat at magpahayag sa Filipino ang mga mananaliksik na Pilipino.

~~~

Patuloy na Scopus-Sentrismo sa National Higher Education Research Agenda

Sa patuloy na paghabol lamang sa pamantayan ng Scopus atbp. dayuhang corporate database, napapabayaan na ng mga Pilipinong mananaliksik ang kanilang tungkulin sa pagpapalawak, pagpapalalim, at pagkakawing-kawing sa tinatawag ni Guillermo (sa “Sariling atin: Ang nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino”) na “nagsasariling komunidad pangkomunikasyon” sa mga disiplinang natural na nakaugat sa karanasan ng mga Pilipino. Sa paghabol sa pamantayan ng Scopus atbp. ay nakakaligtaan na ng mga mananaliksik na Pilipino, mga ahensyang pang-edukasyon, at ng mga unibersidad ang orihinal na silbi natin sa lipunan (social function) bilang sulong tanglaw tungo sa kaliwanagan at kaginhawahan ng bayan (tingnan ang Article XIII, Section 5, 7, at 12; Article XIV, Section 10 at 12).

Gaya ng inaasahan sa konteksto ng sitwasyong neokolonyal ng Pilipinas,  ang numero unong layunin na inilalahad sa NATIONAL HIGHER EDUCATION RESEARCH AGENDA/NHERA 2 (2009-2018) ay may kaugnayan sa kakayahang makipagkumpitensya sa ibang bansa:  “generate knowledge towards international competitiveness.” Gayunman, dapat bigyang-diin ang pang-apat (at huling) na layunin na inilahad sa NHERA 2: “Promote and facilitate dissemination and utilization of research outputs.” Imposible ang malawakang diseminasyon ng saliksik kung hindi gagamitin ang mga wikang sariling atin. Hindi pa inilalabas sa publiko ang sipi ng NHERA III (2019-2028) pero mababasa ang latest na opisyal na update mula sa Facebook page ng CHED Research Management Division (Mayo 2018) na nagpapahiwatig ng patuloy na pangingibabaw ng Scopus-sentrismo sa direksyon ng saliksik sa bansa: “…we will have UP Diliman and De La Salle University, the top 2 universities in terms of research output in Scopus, join forces with CHED Research to craft NHERA III (2019-2028) and evaluate NHERA II…”

Bunsod ng ganitong institusyonalisasyon ng Ingles bilang dominante (kundi man tahas na preferred) na wika ng saliksik sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa mga journal na nakalista sa Scopus, awtomatikong etse-pwera (o kaya’y may dagdag-hadlang na kailangang daanan) ang mga mananaliksik na sa Filipino lang o mas sa Filipino nagsusulat. Higit na pinaglalaanan ng resorses ang saliksik na nakasulat sa Ingles, at mas malala, mga saliksik na sinulat HINDI para sa mga lokal na komunidad, kundi para sa mga komunidad ng mga dayuhan. Sa promosyon/pag-angat ng ranggo ng mga guro, may deklaradong preperensya ang marami-raming paaralan para sa publikasyong “internasyonal” na karaniwa’y sinonimo na ng publikasyong nasa Ingles. Kaugnay ng pangatlong binanggit, hindi bihirang mapilitan ang mga guro ng/mananaliksik sa wikang Filipino, Araling Pilipinas/Araling Pilipino/Araling Filipino/Philippine Studies, Filipinolohiya, Kasaysayan ng Pilipinas, Panitikang Filipino/Panitikan ng Pilipinas, Araling Pangkomunidad, Araling Indiheno at iba pang kaugnay na larangan – na kung sentido komun ang susundin ay dapat na mas sinasaliksik at/o sinusulat sa Filipino at iba pang wika ng Pilipinas – na magsulat na lang sa Ingles o mas magsulat sa Ingles. 

Darating sa punto na mawawalan ng ekspertong mananaliksik sa Araling Pilipinas atbp. na bihasa pa ring magsulat sa Filipino. Darating din sa punto na mawawalan na ng Pilipinong ekspertong mananaliksik sa Araling Timog-Silangang Asya/Southeast Asian Studies na bihasa ring magsulat sa Filipino (o sa simpleng salita, Ingles na ang magiging tanging wika ng Southeast Asian Studies sa Pilipinas; na hindi sana dapat mangyari). Kung magkagayon, dahil sa pangkalahatan ay wikang lokal pa rin ang gagamitin sa pagtitipon ng datos sa bansa (dahil hindi naman Inglesero ang 99% ng mga Pilipino), MAS MAGIGING MAGASTOS at MABAGAL din ang saliksik sa Pilipinas at/o tungkol sa Pilipinas. Halimbawa, ang questionnaire o FGD questions ay isasalin muna sa Filipino at/o iba pang wikang lokal; pagkatapos, maaaring may interpreter pa sa aktwal na pagsasagawa ng survey o FGD; at kailangan din ng gagawa at magsasalin ng transcript etc. Darating din sa punto na ang mismong kalahok sa saliksik (ang ordinaryong Pilipino) ay ni hindi mababasa at mapakikinabangan ang saliksik na tungkol sa kanya/nagawa dahil sa kanya o sa pamamagitan ng datos na mula sa kanya. Kailangang sikapin ng mga mananaliksik sa Pilipinas na magsulat sa wikang sariling atin upang hindi mangyari ang mga gayong absurdong posibilidad.

Sa pangkalahatan, may walong (8) dahilan kung bakit bakit dapat pa ring magsulat sa Filipino ang mga mananaliksik na Pilipino, bilang pangontra sa daluyong ng Scopus-sentrismo. 

Unang punto, Filipino ang wika ng mga Pilipino (San Juan, “Debunking PH language myths”; San Juan, “Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino/ TANGGOL WIKA: Internal na Kwento, Mga Susing Argumento at Dokumento (2014-2017)”).

Ikalawang punto, Filipino ang wikang mabisa sa sosyo-politikal na mobilisasyon ng mga Pilipino (San Juan, “Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino/ TANGGOL WIKA: Internal na Kwento, Mga Susing Argumento at Dokumento (2014-2017)”; San Juan, “Bigwas sa Neoliberalismo, Alternatibo sa Kapitalismo: Adbokasing Pangwika at Sosyalistang Programa sa Nobelang Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez”). Sabi nga ni Karl Marx, “Ipinaliliwanag lamang sa iba’t ibang paraan ng mga pilosopo ang daigdig; ang punto ay baguhin ito.” Sa pamamagitan ng paggamit ng wika ng bayan sa saliksik, nakapag-aambag din sa pagbabago ng lipunan ang mga intelektwal, kahit paano dahil ang paggamit ng wikang sarili sa saliksik ay “mahalagang dimensyon ng anumang mas malawak at mas malapad na pagsisikhay na baguhin at/o impluwensyahan ang publikong diskurso sa minimum, at suhayan ang mga kilusang panlipunan na naghahangad ng pangmatagalan at makabuluhang pagbabago tungo sa mas makatarungan, mas mapayapa, mas maunlad, at mas demokratikong lipunan, sa abot ng makakaya…” (San Juan, “Panimulang Pagsipat sa Mga Modelong Tugon sa Krisis na Dulot ng COVID-19: Perspektibang Sosyalista sa Mass Testing at Nasyonalisasyon”).

Ikatlong punto, palalawakin, pararamihin, at palalalimin ng pagsusulat sa Filipino ang mga saliksik sa Pilipinas (San Juan, “Legislating National Language Courses: Building the Case and the Coalition for Filipino as a Required Subject in Philippine Colleges and Universities”; at Guillermo, “Sariling atin: Ang nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino”). Ang mga karehiyong mananaliksik sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Vietnam ay may likas na bentahe bilang mga bilinggwal na nananaliksik sa wikang sarili at wikang Ingles di gaya ng karamihan sa mga mananaliksik sa Pilipinas na marunong ngang magsulat sa Ingles ay halos di naman makapagsulat o talagang di nga kayang magsulat ng pananaliksik sa Filipino (lalo pa sa iba pang wikang lokal).

Ikaapat na punto, mas may impact sa mga Pilipinong mambabasa at mas binabasa ng mga Pilipino ang mga saliksik sa Filipino (tingnan sa San Juan, “Legislating National Language Courses: Building the Case and the Coalition for Filipino as a Required Subject in Philippine Colleges and Universities” at Demeterio & Felicilda; tingnan din ang pigura sa ibaba).

10 Pinaka-binabasang journals sa ejournals.ph. Ang Malay ang kaisa-isang journal sa top 10 na sa wikang Filipino naglalathala.

Ikalimang punto, OBLIGASYON ng mga mananaliksik na Pilipino na magbalik-serbisyo kahit paano sa pamamagitan ng pananaliksik man lamang, SA SAMBAYANAN na nagbayad ng buwis para  mapagtapos ang marami-rami sa kanila nang halos libre at/o may scholarship sa maraming publikong unibersidad, at na nagbayad din ng buwis para sa mga milyun-milyong piso ng direkta at indirektang grant ng gobyerno sa mga pribadong unibersidad (mula sa mga grant sa saliksik hanggang sa voucher system at Tertiary Education Subsidy/TES). Sa madaling sabi’y PAGTANAW NG UTANG NA LOOB sa sambayanan ang pagsusulat sa wika ng bayan.

Ikaanim na punto, ang pagsusulat sa wikang pambansa ay pag-aambag sa pagpapalakas ng wikang pambansa na isa sa mahalagang sangkap sa kohesyong panlipunan (social cohesion), lalo na sa konteksto ng ating bansang multikultural, multilinggwal, at neokolonyal.

Ikapitong punto, ang karamihan ng datos na tinitipon sa mga komunidad sa bansa ay nasa wikang sarili, kaya’t nararapat lamang na “IBALIK” din ang datos sa porma ng saliksik na nakasulat din sa mga wikang sarili – sa pinakaminimum, sa Filipino.

Ikawalong punto, ang halos lahat ng mga journal na nasa Filipino at mga journal na bilinggwal na tumatanggap din ng mga artikulong Filipino ay pawang open access o bukas para sa lahat ng mambabasa, libre, walang bayad basahin, kaya higit na nakapag-aambag sa pagpapalaganap ng kaalaman atbp., di gaya ng maraming journal sa wikang dayuhan na may bayad ang pag-akses.

Sa diwa ng lahat ng natalakay, nararapat lamang na unti-unting basagin ang pamamayani ng maka-Ingles na Scopus-sentrismo ng mga unibersidad at ahensyang pang-edukasyon at pampananaliksik sa bansa sa pamamagitan ng patuloy na pagsusulat sa wikang sarili, nakalista man o hindi sa Scopus.

David Michael M. San Juan

Mga Sanggunian:

Feorillo, F.PA. & Felicilda, J. (2105). Ang Ugnayan ng Wika, Pananaliksik at Internasyonalisasyong Akademiko. Malay 28 (1). researchgate.net/publication/343577569_Ang_Ugnayan_ng_Wika_Pananaliksik_at_Internasyonalisasyong_Akademiko

Guillermo, R. (2016). Sariling atin: Ang nagsasariling komunidad na pangkomunikasyon sa disiplinang Araling Pilipino. Social Science Diliman 12 (1). https://journals.upd.edu.ph/index.php/socialsciencediliman/article/view/5231

San Juan, D.M.M. (2016). Bigwas sa Neoliberalismo, Alternatibo sa Kapitalismo: Adbokasing Pangwika at Sosyalistang Programa sa Nobelang Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez. Daluyan: Journal ng Wikang Filipino 22 (1-2), 67–102. https://journals.upd.edu.ph/index.php/djwf/article/view/5742

________________. (2017). Debunking PH language myths. Inquirer.  https://opinion.inquirer.net/77526/debunking-ph-language-myths  

________________. (2020a). Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino/ TANGGOL WIKA: Internal na Kwento, Mga Susing Argumento at Dokumento (2014-2017). Sa: Suri, Saliksik, Sanaysay: Mga Babasahin sa Wika, Panitikan, at Lipunang Pilipino. UP-Diliman-Sentro ng Wikang Filipino. https://swfupdiliman.org/download/suri-saliksik-sanaysay-david-san-juan/

_______________. (2020b). Legislating National Language Courses: Building the Case and the Coalition for Filipino as a Required Subject in Philippine Colleges and Universities. https://www.researchgate.net/publication/342403030_Legislating_National_Language_Courses_Building_the_Case_and_the_Coalition_for_Filipino_as_a_Required_Subject_in_Philippine_Colleges_and_Universities

_______________. (2020c). Panimulang Pagsipat sa Mga Modelong Tugon sa Krisis na Dulot ng COVID-19: Perspektibang Sosyalista sa Mass Testing at Nasyonalisasyon. Kawing 4 (2), 1-41. https://psllf.org/kawing-4-2/

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s