Nakikiisa ang Tanggol Wika sa paggunita ng sambayanang Pilipino sa pawis, dugo, at pagpupunyaging ipinuhunan ng ating mga ninuno para kamtin ang kalayaan ng arkipelago mula sa kolonyalismong Espanyol kaya inabot pa natin ang ika-124 taon ng kalayaan ng bansang Pilipinas ngayon
Gaano man kalabnaw at kakulang ng tinatamasa nating kalayaan ngayon, nararapat pa ring pahalagahan at gunitain ang sakripisyo ng ating mga ninunong nagbuwis ng buhay at pinangibabawan ang kanilang takot at pangamba para maghimagsik sa dayuhang mananakop at palayain ang minamahal na bayan. Inspirasyon natin sila sa pagpapatuloy ng napakaraming laban at pakikibaka natin sa panahong itong pinamumunuan tayo ng mga mandarambong at inutil na dinastiyang kasapakat ng mga dambuhalang negosyante at bentador ng soberenya ng Pilipinas kapwa sa bansang Agilang matagal nang may mga naka-estasyong sundalong hari-harian sa ating baybayin kahit 1946 pa ay itinaas na ang bandila ng Republika at ng Dragong nang-aagaw ng mga isla at nang-aapi ng mga mangingisda.
Nakikiisa ang Tanggol Wika sa mariing pagkondena sa dalawang imperyalistang kapangyarihan na yumuyurak sa soberenya at kalayaan ng bansang Pilipinas.
Walang puwang sa isang tunay na malayang bansa ang pag-eestasyon ng mga dayuhang tropa (gaano man ka-pansamantala) sa pamamagitan ng Visiting Forces Agreement (VFA) at iba pang katulad na mga di pantay na kasunduang nakakiling lamang sa makapangyarihang bansa.
Wala ring puwang sa isang tunay na malayang bansa ang pagkunsinti at pagpapaubaya sa teritoryo ng bansang Pilipinas na ang ilang isla at/o katubigan ay tila nabakuran na ng itinuturing pa man din nating kaibigang bansa, sukdulang ang ating mga mangingisda ay kanilang itinataboy at dinadahas kaya’t hindi na makapangisda sa sarili nating teritoryo.
Hindi kataka-taka na sa ilalim ng sistemang patuloy na ipinatutupad ang VFA at iba pang mga di pantay na kasunduang militar, politikal, at ekonomiko at ng sistemang nagluwal ng mga traydor na lider na ibinebenta ang soberenya ng bansa (pati ang mga isla at katubigan nito – kapalit ng mga masasabaw na kontratang may maibubulsang perang dambong ang mga korap na dinastiya at mga dambuhalang negosyanteng kasintraydor din nila sa bayan) ay inaalisan din ng puwang ang katiting na ngang espasyo para sa pag-aaral ng wikang pambansa & sariling panitikan (pag-aalis sa pagiging mandatori ng mga asignaturang Filipino at Panitikan sa kolehiyo), ng Konstitusyon (pagtatanggal sa dating bukod na mandatoring asignaturang Philippine Government & Constitution sa kolehiyo) at sariling kasaysayan (pagtatanggal ng Philippine History subject sa hayskul).
Samakatwid, magkakaugnay ang laban para sa mga asignaturang pumupukaw sa kamalayang makabayan ng mga estudyante, at ang laban para sa pagtataguyod ng soberenya. Magkarugtong at di mapaghihiwalay ang mga labang ito.
Sa ganitong diwa, panawagan natin sa bawat Pilipino na buong-lakas na mag-ambag sa lahat ng paraang kakayanin para maibalik ang Filipino at Panitikan, at Philippine Government & Constitution bilang mga bukod na mandatoring asignatura sa kolehiyo, at para maibalik ang Philippine History bilang bukod na mandatoring asignatura sa hayskul, habang nag-aambag din para sa pagtataguyod ng soberenya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mariing pagtutol sa VFA at iba pang di pantay na kasunduan, at paggigiit sa pambansang gobyerno na ipagsakdal ang Tsina sa panghihimasok nito sa mga isla at katubigan ng ating arkipelago.
Lagpas pa rito, tiyakin din natin ang pagkakawing ng adbokasi para sa makabayang edukasyon at ng pakikibakang pro-soberenya, anti-kolonyal at anti-imperyalista, sa mga adbokasi para sa pagbubuo ng bansang mas mapagkalinga at mas maunlad para sa lahat.
Dapat nating tandaan ang teritoryo ng bansa o ang sariling wika ay magiging mga walang saysay na palamuti lamang hangga’t laging gutom at anak-dalita ang mayorya sa atin, hangga’t walang libreng serbisyong pangkalusugan para sa lahat sukdulang dumating sa punto na halos namamalimos na ang marami sa atin para lamang may maipambayad sa doktor at ospital, hangga’t sobrang bigat at dami ng buwis na binabayaran ng mga manggagawang lumilikha sa yaman ng bansa habang wala naman silang natatanggap na serbisyo mula sa gobyerno, at hangga’t patuloy sa pangingibabaw ang mga korap at inutil na dinastiyang traydor sa bayan at pagkakamal lamang ng pakinabang ang nasa isip.
Sa ganitong diwa, ipinapahayag din ng Tanggol Wika ang pangako na lalong mag-aambag – pangunahin sa pamamagitan ng mga publikong lektura at talakayan sa mga isyung panlipunan – tungo sa pagpapalawak ng mga multisektoral na koalisyon para sa mga makabuluhang pagbabago sa Pilipinas. Kaugnay nito, partikular na tutulong ang Tanggol Wika sa patuloy na pagpapalawak ng Professionals for a Progressive Economy (PPE) at iba pang mga kahawig na pormasyon.
Gunitain, sariwain, at ipagdiwang ang pamanang kalayaan ng ating mga ninuno!
Soberenya ng bayan, ipaglaban!
Atin ang Pinas, imperyalista at mga traydor, layas!
Isulong ang makabayang edukasyon!
Filipino at Panitikan, sa kolehiyo, panindigan!
House Bill 223 at Senate Bill 1838, isabatas!
Wika at bayan, ipaglaban!
12 Hunyo 2021
Bonus: Araw ng Kalayaan Soundtrip 2021 (halu-halong Playlist)
